KASO ito ni Mina at ng 10 niyang kapatid. Anak sila lahat ng mag-asawang Julio at Gracia na rehistradong may-ari ng isang parselang lupa na may sukat na 3,643 metro kuwadrado at sakop ng titulo bilang 14202. Nailabas ang titulo noon pang Marso 8, 1972. Ang lupa ay isinangla ni Julio sa panganay niyang si Mina at sa asawa nitong si Pacio. Nabaril si Julio. Habang nasa ospital, kinausap niya ang 10 anak at sinabi ang dalawa niyang kahilingan. Una, ang bawiin ng mga anak ang lupang nakasangla kina Mina at Pacio at pangalawa, na huwag dalhin ang kanyang bangkay sa bahay ng huli.
Noong 1982, inalok ni Andres, isa sa mga anak at tagapagmana ni Julio, na tubusin kina Mina at Pacio ang nakasanglang lupa. Ayaw pumayag ng mag-asawa dahil ginagamit daw nila ang lupa na pastulan ng mga baka.
Noong Enero 1991, nadiskubre ng magkakapatid at ng ina nilang si Gracia na nailipat na nina Mina at Pacio sa pangalan nila ang lupa sa pamamagitan ng isang kasulatan ng bentahan na ginawa di-umano noong Disyembre 7, 1970. Pirmado ito nina Julio at Gracia. Kumuha ng kopya ng kasulatan ang mga naulila ni Julio at ipinasuri ito sa NBI.
Ayon sa eksperto ng NBI, peke ang pirma nina Julio at Gracia matapos ikumpara ang pirma sa kasulatan sa mga tunay na pirma ng mag-asawa. Kaya’t noong Abril 13, 1992, nagsampa ng reklamo ang mga anak ni Julio pati ang ina nilang si Gracia upang mapawalang-bisa ang kasulatan ng bentahan at upang mapakansela ang titulong inilabas sa pangalan nina Mina at Pacio.
Sa kanilang sagot, itinanggi ng mag-asawa na pineke nila ang titulo. Ayon sa kanila, parte ng lupa ay minana ni Julio mula sa kanyang mga magulang at hinati ng magkakapatid sa pama magitan ng tinatawag na “extrajudicial partition”. Noon daw Disyembre 7, 1970, pinirmahan ni Julio ang kasulatan ng bentahan at kasama rin dito na pumirma ang nanay nilang si Gracia.
Matapos ang paglilitis, napakinggan ang testimonya ng eksperto ng NBI at napatunayan ng mababang hukuman na talagang pineke ang kasulatan ng bentahan. Sinang-ayunan ng CA (Court of Appeals) ang desisyong ito.
Kinuwestiyon pa rin nina Mina at Pacio ang desisyon ng mababang hukuman at ng CA. Sila na raw ang rehistradong may-ari ng lupa magmula pa noong 1970. Malinis nilang nakuha ang titulo at dapat silang ituring na “holder in good faith”. Ayon din sa kanila, hindi na dapat pinabayaan na makapagsampa ng kaso ang magkakapatid noong Abril 3, 1992 dahil paso na ang karapatan nila. Tama ba ang mag-asawa?
MALI. Upang maituring na ang isang may hawak ng titulo ay isang “holder in good faith and for value”, kailangan na hindi peke ang instrumento/kasulatan na ginamit sa pagpapatitulo. Kung ang kasulatan ay pineke kahit pa kasama ang orihinal na titulong kopya ng may-ari ng lupa, hindi nawawala sa rehistradong may-ari ang karapatan sa titulo. Hindi rin nagkakaroon ng karapatan ang sinumang pinaglipatan o pinagbentahan ng pekeng titulo. Pinoprotektahan lang ng batas ang isang inosenteng bumili ng lupa kung legal itong nakuha mula sa rehistradong may-ari at hindi sa pamamagitan ng pamemeke ng kasulatan.
Malinaw na hindi nilipat ng pekeng kasulatan ng bentahan ang legal na pagmamay-ari ng lupa kina Mina at Pacio. Hindi sila makakapagtago sa legalidad ng titulong kanilang hawak. (Spouses Bernales vs. Heirs of Julian Sambaan, etc. G.R. 163271, January 15, 2010).