Siyamnapu't pito pa
SIYAMNAPU’T PITONG gamot ang masasama na sa listahan ng Cheaper Medicines Bill. Halos 100 gamot! Malaking karagdagang pagtitipid ang hinaharap ng mga mamamayang Pilipino sa darating na Marso 31. Kasama sa listahan ay mga karagdagang gamot para sa mataas na cholesterol, alta-presyon at kanser. Pati mga gamot para sa hika, depression at prostate ay kasama na rin. Mga ginagamit na fluid sa dialysis ay sakop na rin ng batas. Napakalaking tulong ito sa mga sumasailalim ng dialysis tuwing linggo o higit pa! Karagdagang matitipid para magamit sa ibang kinakailangang gastusin. Iyan ang hangarin ng batas na natutupad na. Maganda kung may madadagdag pa sa listahan na ito katulad ng insulin na kailangang-kailangan ng mga may diabetes.
Ang pinaka-magandang panukat ng isang batas ay ang mga resultang nagagawa nito. Sa Cheaper Medicines Bill, wala nang mas liliwanag pa sa mas murang gamot. Kung mas mura para sa bumibili, ano pa ba ang masasabi dito? Marami diyan hanggang ngayon pinipintasan pa ang batas na ito, kesyo may mas magandang bersyon, kesyo ganito kesyo ganoon. Pero parang basketbol din yan o boksing. Mahalaga ma-shoot yung bola o mapatumba ang kalaban. Kesyo malayo o malapit o dinakdak ang bola, basta pumasok, iyon ang mahalaga. Kung mapabagsak ang kalaban sa boksing nang dahil sa suntok sa ulo o sa tiyan, basta bumagsak, iyon ang mahalaga. Ano pa ang mapipintas sa mas murang binabayad ng tao? Kung ang dati ay P100 ang ginagastos, ngayon P50 na lang, makikipagdiskusyon pa kaya ang namili kung anong bersyon ang mas maganda, o uuwi na lang at matutuwa sa kanyang natipid na P50?
Binanggit ko na sana madagdagan pa ang listahan ng murang gamot. At ganun din ang isinasaad ng batas, sa pagpasok ng mas maraming generic na gamot. Nagmamahal ang gamot kapag kilala ang kumpanya. Parang damit. May mahal na gawa at tatak Europa, may mura na gawa sa Divisoria. Ang mahalaga, nadadamitan ka di ba? Kung may pambili ng mahal, eh di mabuti. Pero kung walang pambili ng mahal, dapat may alternatibo. At ito ang binibigay ng Cheaper Medicines Bill. Kaya matuwa na lang tayo sa mga bagong nasali na sa listahan, at ipagdasal natin na maisama pa ang iba. Kung may mamimintas pa, sabihin na lang nila sa mga mamamayang nakikinabang sa murang gamot kung gaano kasagwa ang batas na ito. Kung gaano kamali ang batas na ito.
- Latest
- Trending