Chinese traders hanga na sa MPD
KADALASAN sa tuwing may pagtitipon ang mga negosyante, laging usap-usapan ang kapalpakan ng kapulisan. Subalit mukhang nag-iba na yata ang ihip ng hangin dahil, sa ngayon, labis ang paghanga ng mga Chinese businessmen sa Manila Police District.
Ayon kasi sa aking mga nakausap sa isang salu-salo sa First Cup Café diyan sa Binondo, labis ang kanilang paghanga sa mga tauhan ni MPD director P/Chief Supt. Rodolfo Magtibay matapos na umaksyon sa matagal na nilang karaingan hingil sa masalimuot na trapik sa kahabaan ng Reina Regente araw-araw. Ito kasi ang pangunahing kalye sa Binondo na dinaraanan ng kanilang mga delivery at mga parukyano kaya, oras na magbara ito sa trapiko, malaking perwesyo sa kanilang negosyo.
Ayon kina Joseph Lim at William Uy, naging maluwag ang daloy ng mga sasakyan sa Soler at Ongpin matapos na tanggalin ang mga illegal parking sa Reina Regente kaya umaasa silang muling sisigla ang kanilang hanapbuhay dahil babalik na muli ang kanilang kustomer na umiiwas noon sa trapik na dinanas. Maging itong si Kagawad Henry Ong ng North Binondo Chinese Fire Volunteers ay nagpahayag din na malaking tulong itong pagluwag sa trapiko ng Reine Regente sa kanilang pagresponde sa sunog.
Tama nga naman sila sa kanilang pagsang-ayon sa ginawang aksyon ni Magtibay at Yap. Di ba mga suki! Kung inyong matatandaan na nitong nagdaang mga araw ay naging abala itong si Yap at ng kanyang mga tauhan sa pagtataboy sa mga nakaparadang sasakyan sa Reina Regente na nagresulta ito ng kaluwagan sa trapiko. Kaya sa bawat kumpas ng kamay nitong si P/Supt. Rizaldy Yap, hepe ng MPD-Traffic Management Bureau, nagpalakpakan ang mga negosyante sa tuwa, kasi nga, muling sisigla ang kanilang hanapbuhay. Subalit hindi madali ang paglinis ni Yap sa kahabaan ng Reina Regente dahil may ilan ding negosyante ang umalma matapos na maputol ang matagal nang paghari-harian sa naturang lugar.
Ang ilan pa nga sa mga ito ay nagsumbong sa kanilang kaibigang mayor ng Maynila na si Alfredo Lim. Subalit hindi umubra ang kanilang sumbong dahil buo na sa loob ni Yap na putulin na ang matagal ng problema sa naturang lugar kaya sorry na lang sa mga naapektuhan. He-he-he!
Hatak dito, hatak doon umano ang ginawa ng mga taga MPD-TMB sa mga sasakyang nagmamatigas na umalis sa ginagawang clearing operation hanggang sa tuluyang lumuwag at naging maaliwalas ang naturang kalye. Hindi rin nakaporma ang ilang nagmamatigas dahil todo ang pagbabantay nina P/C Insp. Nava, P/C Insp. Cortez, P/C Insp. Macabudbud habang isinasagawa ang paglilinis sa naturang lugar. Di ba Kuya George! Matapos na malinis sa mga illegal parking ay agad namang pinag-utos ni Yap sa kanyang Sector Commander Station 11 P/Senior Insp. Romeo Olidana na panatilihin na itong maluwag sa trapiko.
Kaya sa ngayon, abot langit ang paghanga ng mga businessmen kay Gen. Magtibay at sa buong tropa ni Col. Yap sa muling pagbabalik ng pagluwag ng daloy ng trapiko sa kanilang lugar. Congratulation mga sir for the job will done at marami na naman kayong natulungan.
- Latest
- Trending