SA unang tatlong babaing nabanggit na miyembro ng Budol-Budol Gang na sina Idang, Dyna at Jennifer, naglalaro lamang sa kanila kung sino ang mauuna at kakausap sa maiispatang biktima.
Habang nasa baba ng sasakyan ang tatlo at isinasagawa ang kanilang modus, nasa sasakyang L300 van ang mga natitirang miyembro.
Isa na rito ang lider na si Warren, taga-spot o taga-nguso kung sino ang bibiktimahing naispatan sa kalsada.
Sunod ay ang bading na si Mark, look out #1 kung may kaaway sa paligid tulad ng mga pulis, traffic enforcers o kahit mga Brgy. Tanod.
Kapag may mga ganitong personalidad na nasa lugar ng kanilang operasyon, lumilipat sila ng destinasyon dahil para sa kanila, delikado ang sitwasyon.
Meron din silang brusko sa grupo, mala-bouncer ang kaniyang eksena. Siya si Agao, taga-plantsa ng sitwasyon kapag nagkakaproblema na sa eksena.
Halimbawang nakakatunog o nabubuko ng kanilang binibiktima ang modus na isinasagawa ni Idang, Dyna at Jennifer, papasok ito sa eksena.
Pambubrusko ang kaniyang papel na dadaanin sa takot ang biktima ‘wag lamang mabuko ang kanilang modus.
At ang huli si Beth, asawa ni Warren na financier ng grupo. Mula sa pagkain hanggang sa gasoline, si Beth ang taga-bigay ng pondo.
Ang kanilang kapit-bahay kuno na lumapit sa BITAG upang ibulgar ang kanilang gawain, napag-alaman naming miyembro rin ng grupo.
Nakatakda na sana ang operasyong isasagawa laban sa grupo subalit naglahong parang bula ang asset. Hindi na ito matawagan sa kaniyang numero at wala na rin ito sa kanilang bahay.
Sinadyang ilantad ng BITAG ang pagmumukha ng mga miyembro ng tirador na Budol-Budol Gang upang lumabas ang kanilang mga nabiktima.
Hangga’t walang reklamo, walang maisasampang kaso sa mga ito. Tuloy-tuloy ang kanilang pambibiktima kapag nagkataon. Lumabas na kayo, kayo ang magiging susi upang matuldukan ang notoryus na modus ng grupong ito.