EDITORYAL - Bagong people power ikasa vs mga kawatan
KAHAPON ginunita ang makasaysayang EDSA people power revolution. Apat na araw nagkapitbisig at nagkaisa ang mga Pilipino. Mula Pebrero 22, hanggang Pebrero 25, 1986, ipinakita ang tapang na kahit sagasaan ng tangke ay hindi matitinag makalaya lamang sa pagmamalabis sa kapangyarihan ni President Marcos. Maraming bansa ang humanga sa ginawa ng mga Pilipino. Walang dumanak na dugo at nagawang makalaya sa kapangyarihan ng taong nanungkulan ng 20-taon.
Nang lumayas ang pamilyang Marcos sa Malacañang noong gabi ng Pebrero 25, marami ang natuwa. Ang mga taong nagbabantay sa Camp Crame at Camp Aguinaldo sa EDSA ay naglundagan sa tuwa. Mayroong umiyak dahil sa labis na kasiyahan. Ang paghihirap sa apat na araw sa EDSA ay nagbunga. Hindi nasayang ang pagharap sa mga sundalo ni Marcos. Ganap nang malaya sa diktadurya. Malaya na sa taong sumikil sa karapatan. Malaya na sa pagmamalabis. Malaya na sa nagpasasa sa kayamanan.
Ngayon, pagkalipas ng 24 na taon na paglaya sa diktadurya, hindi pa pala lubos ang nakamit na paglaya. Noon, inakalang sa pag-alis ni Marcos ay maaalis din ang mga nagpapahirap sa taumbayan, pero hindi pala sapagkat mas lalong dumami ang nagpapasasa sa yaman. Mas lalong kumapal ang mga naghihirap. Marami ang nagugutom, marami ang walang sariling bahay, marami ang hindi makapag-aral dahil sa kakapusan ng pangangailangan. Marami ang naghihikahos dahil sagad ang katiwalian sa maraming tanggapan ng pamahalaan. Sa halip na malipol ang mga kawatan, lalo pang nadagdagan.
Sa isang surbey lumabas na talamak ang katiwalian sa Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at Department of Public Works and Highways. Umaalma ang mga dayuhang negosyante dahil sa red tape. Hindi raw gumagalaw ang kanilang papeles hangga’t walang padulas na pera. Marami ang tinatabangan na magnegosyo rito.
Napatalsik nga ang nagmalabis na pinuno pero mas malala pa ang nangyari sapagkat dumami pa ang nagmamalabis at nagpapasasa sa kaban ng taumbayan. Lalong dumami ang mga “buwaya”.
Nararapat nang isulong ang isang bagong people power laban sa mga kawatan. Ito ang nararapat para masolusyunan ang nararanasang kahirapan.
- Latest
- Trending