Hanap ay pag-ibig

Ngayon ang Pebrero’y ilang araw na lang

pagka’t matatapos na kulang sa bilang;

Kaya matatanto na dahil sa kulang

pag-ibig ng tao’y walang kahulugan!

Sa buong santaon ang buwa’y marami –

labindalwa ito sa ating daliri;

Ngunit ang Pebrero sa abot ng muni

sa lahat ng buwan ay kapos sa huli!

At ito marahil ang isang dahilan

tunay na pag-ibig hindi maramdaman;

Binata’t dalaga na nagliligawan

bihirang magtapat sa pagmamahalan!

Sa ngayo’y masdan mo ang ating daigdig

wala na ang taong tunay kung umibig;

Binitiwang sumpa nitong magsing-ibig

marupok na sumpang bumukal sa putik!

Sa Florante’t Laura – kapwa Pilipino

ang pagmamahala’y naglahong idolo?

Nahan ang panahong may isang Romeo

pag-ibig kay Juliet ay hindi nagbago?

Noon ang pag-ibig dahil sa matapat

hanggang sa libingan bitbit ang pagliyag;

Kahi’t natunaw na ang laman at balat

nang mahukay sila – buto’y magkayakap!

At ngayong halala’y lubhang malapit na

mga pulitiko’y iisa ang nasa:

Babaguhin nila palakad sa bansa

ang hangaring ito ay matupad kaya?

Posibleng maganap ang layuning ito

kung tapat sa hangad mga pulitiko;

Subali’t kung hindi lalong mabibigo

inaasam nating mga pagbabago!

Pag-ibig ang tanging babago sa atin

kaya hanggang ngayo’y hinahanap natin;

Nahan ka pag-ibig – bakit ka nagmaliw

at ang paraiso’y naglaho sa amin?

Show comments