Peace and order, pangunahing adbokasiya ni Erap
MARAMING pumuri at sumuporta sa pahayag ni Presidente Erap na ang pagtitiyak ng peace and order sa bansa ang isa sa kanyang mga nangungunang adbokasiya.
Ayon kay Erap, ang mga sigalot, kaguluhan, krimen at tahasang mga paglabag sa batas ang dahilan kung bakit hindi nagkakaroon ng tunay na kaunlaran sa ating bansa laluna sa kanayunan.
Pinuna niya ang mga nagaganap na matinding karahasan, partikular ang mga insidente kamakailan na pagpatay sa isang elementary school teacher sa harapan mismo ng mga estudyante sa Argao Cebu, gayundin ang sinasabing tangkang pagpaslang kay Buluan, Maguindanao Vice Mayor Esmael Mangudadatu sa isang mall sa Davao City at ang mga pamamaril sa Cavite,
Bukod sa mga ito ay pinansin din niya ang tuluy-tuloy pa rin na paglipana ng mga armas at pamamayagpag ng mga armed group sa Mindanao at sa marami pang lugar sa bansa, at siyempre ay ang mga kidnapping at mga gawaing terorismo.
Ang 50 taon nang Muslim rebellion at apat na dekada nang communist insurgency ay kailangan na aniyang mawakasan, at ito ay sa pamamagitan ng pagresolba mismo sa ugat ng naturang mga pag-aalsa tulad ng inhustisya, grabeng kahirapan at kawalan ng trabaho.
Mayorya sa ating mga kababayan ay humanga at natuwa sa itinaguyod ni Erap na kapayapaan at kaayusan sa buong bansa laluna sa Mindanao at sa mga itinuturing na NPA-influenced area noong kanyang panunungkulan sa Malacañang, pero nang sapilitan siyang pinababa sa puwesto ay muli na namang namayagpag ang karahasan at lawlessness. Natural lang aniya na natatakot talagang pumunta sa Pilipinas ang mga dayuhang negosyante at turista hangga’t hindi nareresolba ang mga problemang ito sa peace and order. Ganito rin ani ya ang nadaramang pagkata- kot ng mga kababayan natin mismo na gusto sanang mamasyal o kaya ay magnegosyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Erap, ang muling pagtataguyod ng peace and order sa buong bansa ang kanyang unang-unang aasikasuhin kapag nagbalik na siya sa Malacañang.
- Latest
- Trending