DALAWANG TAON na ang itinakbo ng kasong minsa’y naisulat ko sa aking column. Ang istorya ng dalawang magkapatid na itinago namin sa pangalang Isabel at Martina.
Si Isabel ay 16 anyos habang si Martina naman ay 6 na taong gulang na ngayon. Sila ay mga umano’y biktima ng panggagahasa. Ang itinuturong nanamantala sa mga ‘menor-de-edad’ na ito ay ang kanilang kuya na si Angel Haz.
Ayon kay Isabel, limang taong gulang pa lamang siya ng magsimula ang pangmomolestya ni Angel na nun ay dose anyos pa lang. Dinadala siya sa banyo ng bakanteng bahay at doon umano pilit na ipinapasok ang ari ni Angel sa kanyang ari. Walong taong gulang daw siya ng huling gahasain.
Hindi nagawa ni Isabel na magsumbong dahil sa kahihiyan at takot kay Angel. Isang insidente ang naging sanhi ng pagbasag ng kanyang katahimikan.
Marso 6, 2008 kagagaling pa lamang sa skul ni Isabel ng madatnan niya sa kanilang bahay si Angel. Nagulat siya ng makitang nakahiga at nakababa umano ang ‘shorts’ at ‘brief’ nito habang si Martina naman ay nakakandong sa kanya.
Nakita umano ni Isabel na akma raw na ipapasok ni Angel ang ari nito sa ari ni Martina na nakapalda man nun ay wala naman suot na ‘panty’.
Nagtatatakbo si Isabel sa bahay ni Melda Ortiz. Sinamahan ni Melda si Isabel sa Brgy. Purok para magreklamo.
Kinabukasan pinapapunta sila Emily sa Presinto 26 dahil sa reklamo ni Isabel. Lumapit naman sina Isabel kay Rowena Galura ng DSWD Unit VI Staff Caloocan. Kinontak ni Rowena ang People’s Recovery, Empowerment and Development Assistance (PREDA) Foundation, isang Non-Government Organizations (NGOs) na nakabase sa Olongapo. Itinurn-over nila dito ang mga bata.
Dalawang taon ding namalagi ang magkapatid sa PREDA habang nagsasagawa ng preliminary investigation sa kasong R.A 7610 o Child Abuse na isinampa laban kay Angel sa Prosecutor’s Office Caloocan.
Nitong Ika- 5 ng Pebrero nabigla kami ng magpunta si Emily sa aming tanggapan kasama na sina Isabel at Martina. Kwento ni Isabel hindi na sila bumalik ng PREDA mula noong mag-Christmas vacation (home stay) sila noong Disyembre 21. Sinabi nila na gusto na nilang iurong ang reklamo laban kay Angel.
Sa isang “affidavit of recantation” inihayag ni Isabel na, “Galit lang ako sa kuya ko kaya ko nasabi yun. Palagi niya kasi kong pinapagalitan at bunga lamang iyon ng hindi pagkakaintindihan.”
Ilang ulit umanong hinahanap ng PREDA ang magkapatid subalit ayaw na ng dalawa na bumalik pa. Tumatakbo sila pag nakikita na ang mga taga PREDA.
Itinampok namin ang istorya ng pamilyang Haz sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon) upang maiere ang kanilang kahilingan na gusto na nilang iurong ang kaso.
Ilang araw din bumalik sa aming tanggapan ang mag-iina para tulungan sila na mailagay sa isang ‘affidavit’ nais nilang gawin. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, dumating itong si Rowena ng DSWD at si Arianne Mercado ng PREDA Foundation mula pa sa Olongapo. Nagkita sila sa aming opisina. Narinig daw nila sa radyo ang aming panayam sa pamilyang Haz. Nagpunta sila, nagbakasakaling maituro namin ang kinaroroonan ng mga bata. Nag pang-abot sila nila Emily at dahil hindi namin layon na itago ang dalawang menor-de-edad dahil alam namin na ang mandato ng DSWD ay pangalagaan ang kapakanan ng mga bata.
Ayon kay Arianne malaki ang responsibilidad ng PREDA sa dalawang bata kaya’t kailangan nilang ibalik ang mga ito sa Olongapo. Dagdag pa niya, pumipirma ang tatay ng mga bata na nangangako na sa ika -5 Enero dapat maibalik na sila sa PREDA .“Ang usapan, sa bahay ng lola nila sa may Tondo sila tutuloy hindi sa Caloocan kung saan nandun si Angel,” pahayag ni Arianne.
Sumagot naman si Emily na wala dun si Angel dahil may asawa na.
Inilabas ni Arianne ang isang pirmadong ‘resolution’ kung saan nakitaan ng tagausig ng ‘probable cause’ para masampahan ng kasong ‘statutory rape at attempted statutory rape’ si Angel Haz. Dahil dito dapat lang na manatili sa kustodiya ng PREDA sila Isabel at Martina.
Ipinaliwanag namin kay Emily na marahas man na kunin ang kanyang mga anak, iyan ang batas na dapat tuparin. Upang hindi na masaktan pa ang damdamin ng isang ina na nakikitang ilalayo ang kanyang mga anak, nagpaalam si Emily sa amin at pasimple siyang umalis sa aming tanggapan.
Nang malaman ni Martina na wala na ang kanyang ina, naglulupasay ito sabay sabing, “Gusto ko mama ko! Ayaw ko sa inyo!.” Si Isabel naman ay tulala sa mga pangyayari.
Masusi naming pinag-aralan ang kaso ng pamilya Haz. Ang nagbigay ng complaint affidavit ay si Isabel. Maliwanag na nung siya’y ginahasa, 5 taong gulang pa lamang siya at labing isang taon na ang nakakaraan.
Nagpatuloy ito hanggang nung siya ay walong taong gulang. Tiningnan namin ang edad ni Angel at lumabas na siya ay 12 taong gulang pa lang ng mangyari ang umano’y panggagahasa. Kung totoo nga na ito’y nagpatuloy hanggang ng 8 taong gulang si Isabel eh di 15 anyos pa lamang itong si Angel.
Madalas namin batikusin ang batas na inakda ni Mega Senator Kiko Pangilinan, ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice Welfare Law 2006 dahil may mga ‘Children in Conflict with the Law’ kung saan nagagamit ang batas na ito para hindi sila mapanagot sa kanilang mga kasalanan.
Sa pagkakataong ito, si Angel Haz ay saklaw ng batas na ito dahil nung mangyari ang mga umano’y panggagahasa siya ay 12 hanggang 15 taong gulang. Ang dapat sa kanya ay sumailalim sa ‘diversion program’ ng DSWD upang ma-rehabilitate/redirect sa lipunan matapos na makapagbago.
Sa tulong ng isang abugado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) nagsumite si Angel ng ‘motion for reconsideration’ at inilagay ang mga argumentong ito. Maliban pa dito inilakip ang affidavit of recantation ng dalawang bata na inasistehan ng kanilang magulang.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, magpahanggang ngayon kami ay naniniwala na maraming butas ang batas na Juvenile Justice Law subalit “the law should apply to all or to no one at all” Ang batas ay dapat para sa lahat dahil hindi pwedeng mamili lamang ito kung sino ang makikinabang.
(KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 maari din kayong tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanggapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
EMAIL address: tocal13@yahoo.com