INCREDIBLE! Habang papalapit ang eleksyon, lalo pang dumami ang kababayan nating “clueless” o walang kamalay malay sa automated system sa Mayo. Noong Oktubre, 61% ng Pulse Asia survey respondents ang umamin na kakaunti lang ang nalalaman o talagang wala silang kaalam-alam dito. Ngayong Enero, saradong 71% na ang bilang. Kung duda pa ang Comelec na may problema nga sa kanilang voters education efforts, heto ang pruweba!
Dahil dito’y kumikilos na rin ang iba’t ibang mga institusyon at samahan upang tumulong sa kampanyang paghatid kaalaman sa publiko. Sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Law, kami’y nakipag—ugnayan sa Comelec at PPCRV upang tulungang imulat ang mata at kaisipan ng 10,000 mag-aaral at mahigit 1,200 faculty at staff ng buong Pamantasan.
Marami ang magbabago sa ating karanasang pagboto sa Mayo 10. Una dito ang balota. Dati’y ordinaryong papel, ngayon ay cardboard na. Sintigas ng folder at ngayo’y halos doble ang haba. At gaya ng sinabi ng Sexbomb: Nasa balota na, mga pangalan . . . may bilog, may bilog na hugis itlog . . . itiman, i-shade loob ng bilog. Ang PCOS machine naman ay para lang fax machine o ATM Machine. Matapos mong kulayan ang mga bilog, isusubo lang sa bibig ng PCOS machine ang balota gaya ng ginagawa sa papel na i-fax o ng ATM card sa slot. Ganun lang, tapos na!
Nang ginanap ang aming forum sa PLM, halata ang interes ng mga mas nakatatanda sa PCOS machine nang mag-mock voting. Siempre, laging mahirap ang magbago mula sa matagal nang nakasanayan. Ang henerasyong nauna ay hindi lumaki sa kandungan ng luho at teknolohiyang kinagisnan ng ating mga kabataan. Pero hindi sila diskumpiyado – medyo nag-aalangan lang. Tulad ng isa pang resulta ng Pulse Asia survey, 48% ang nanini-wala na ang automation ay magreresulta sa mas malinis na halalan. Kaya’t mahirap man kung isipin, handa silang bunuin.
Ang pinaka-high tech na gadget na magagamit sa panahon ngayon ay isang bagay na araw-araw nating minamani at sini- siw: Ang cell phone! Kaya huwag matakot sa makina. Matakot sa tao? Ah, ibang usapan na yan.