HINDI pa humuhupa ang nerbiyos ng mga Kapampangan at Bulakenyos sa naging desisyon ng Comelec sa kanilang gobernador ay may panibago na namang namumuong kalituhan. Ayon sa aking mga nakausap, beating the red lights ang pagproklama ng Comelec kay Ka Obet Pagdanganan bilang nanalo sa pagka-governor ng Bulacan laban sa kasalukuyang governor na si Jonjon Mendoza.
Sa hinaba-haba kasi ng panahong ginugol ng Comelec sa pagrebisa at pagbilang sa boto ng mga balota ay ngayong buwan lamang inilabas nito ang kanilang hatol. Ika nga’y panggigipit na sa oras. Sayang ang kuwarta at oras na ginugol ng Comelec dahil nagdulot lamang ito ng tensiyon at kalituhan sa magkabilang panig. Ewan kung bakit ngayon lang ito inilabas at bakit tumagal ng ganito katagal na kung saan ay nagsisimula na ang gapangan ng mga kandidato sa 2010 election. Magkano este papaano nangyari ito Chairman Jose Melo?
Sa ngayon maging si President Gloria Macapagal-Arroyo ay nakakaladkad sa gusot na hindi naman niya kagustuhan. Lumalabas kasi na kaya nadesisyunan ng Comelec ang paghahabol nina Pagdanganan at Pineda ay dahil sa pagkalas nito sa partido. Gayundin ang pananaw ng mga Kapampangan sa sinapit ni Among Ed Panlilio matapos na iproklama ng Comelec na si Lilia Pineda umano ang tunay na nanalo noong 2007 election. Susmaryusep! Kung patuloy na ganito ang sistemang pinaiiral ng Comelec, paano na lang tayo magkakaroon ng lider na matino at makakaahon sa intrigahan? Dahil laging huli ang hatol ng Comelec sa mga petisyon hindi nagagawa ng mga apektadong pulitiko ang kanilang gawain sa kanilang lalawigan para mapaglingkuran ang kanilang mga kababayan, dahil mas mahaba pa ang oras na ginugugol nila sa pagharap sa naturang ahensiya.
At ngayon nga tampulan na naman ng intiga ang Comelec sa naging hatol kina Mendoza at Panlilio ibinaling naman nito ang panggigigil sa mga artista, komentarista at kolumnista na nag-iindorso umano sa mga kandidato. “Walang makapipigil sa batas at mananagot ang lalabag dito,” Ito ang pahayag ni Atty. Ferdinand Rafanan. Dahil noong Sabado naisabatas ng Comelec ang Fair Election Act. 9006 Sec. 6.6, na nagbabawal sa mga artista, komentarista at kolumnista na mag-endorso sa mga pulitiko.
Ngunit ito’y maisasakatuparan lamang kung may magrereklamo sa kanilang Legal Office. Kaya kumalat ang ugong-ugong sa bakuran ng Manila Police District na gustong busalan ng Comelec ang mga taong nagbibigay ng suporta sa kanilang kinikilingang pulitiko. Hindi naman umano ito magiging solusyon para mapadali ang resulta ng bilangan sa 2010 election kung tutuusin dahil ang dapat na gawin ng Comelec ay dagdagan ang kanilang mga tauhan para pangasiwaan ang kauna-unahang automated election. At habang pinupuna ng mga taga-Comelec ang hindi naman makatutulong sa kanilang trabaho ay namuo tuloy ang hinala ng mga nagugutom nating kababayan na magiging masalimuot ang resulta ng 2010 election.