MASARAP mamasyal tuwing Linggo, unang-una dahil magaan ang trapik. At dahil magaan ang trapik, iilan din lang ang makikita mong mga MMDA o pulis sa kalye. At dahil walang nagbabantay masyado sa kalye, maraming lumalabag sa batas-trapiko. Mga sumasalubong, mga biglang u-u-turn, mga pampasaherong jeepney na sa gitna ng kalye magsasakay at magbababa ng pasahero, lahat na! Kaya kahit Linggo, may mga aksidenteng nagaganap dahil wala masyadong disiplina sa kalye, gawa ng wala masyadong nagbabantay.
Ganito naman talaga. Kapag walang nagbabantay, maraming masamang nangyayari. Katulad na rin ng dinadaanan ng 43 health workers na hinuli ng mga pulis at sundalo sa Morong, habang nagsisigawa ng health seminar. Nang hulihin sila, wala nang nakapagbantay sa kanila. Kaya maraming kuwento at usapin na pinahirapan sila, tinorture sila, minolestiya pa ang ilan sa kanila. Paano mo masasabi kung totoo o hindi, eh wala namang nagbantay sa kanila habang kupkop ng militar? At lalong dumami ang espekulasyon sa hindi pagsunod ng militar sa utos ng Korte Suprema na ipakita silang buhay. May mga bakas pa kaya ng paghihirap sa mga katawan nila kaya pinahilom na muna ng ilang araw pa bago ipakita sa korte? Di rin natin masasabi iyan, kasi walang nakatutok sa kanilang nagbabantay. Kahit ang Komisyon ng Karapatang Pantao ay hindi rin naman makapagpadala ng mga bantay, kaya kahit magsasalita pa sila nang magsasalita, hindi naman sila pinakikinggan ng militar.
Ito na rin ang dahilan kung bakit iilan na lang ang may gustong maging doktor sa mga lalawigan. Mahirap nga naman kung may ginagamot silang tao, na aakusahin ng militar na rebelde, komunista o subersibo. Maging totoo man o hindi, damay na rin ang duktor, kahit tungkulin niya ang umasikaso sa kahit sinong pasyente, ano pa ang paniniwala at katayuan nito sa lipunan. Kung hindi militar ang makakabangga, mga pulitiko naman! Darating ang panahon na wala na talagang gustong magtrabaho na duktor sa mga lalawigan, partikular kung saan may pangyayari na ng pag-aresto ng militar. At sa lalawigan, mas lalong walang nakabantay. Kaya maraming masasamang nangyayari sa lalawigan.