BUO ang determinasyon ni Presidente Erap na bumalik sa Malacañang upang ipagpatuloy at pag-ibayuhin pa ang kanyang mga programa sa sambayanan.
Kaugnay nito, napag-usapan namin ng aming panganay na anak na si reelectionist senator Jinggoy Ejercito Estrada ang mga tsismis na pinalulutang ng ilang grupo na aatras daw si Erap sa kanyang kandidatura at ihahayag daw ito sa mismong kaarawan sa Abril 19.
Talagang lubhang natatakot sa pagbabalik ni Erap sa Malacañang ang mga may malalaking kasalanan sa bayan. Alam kasi nila na susugpuin niya ang mga katiwalian sa pamahalaan na lumaganap pagkatapos siyang sapilitang pababain sa puwesto.
Ang mga tiwali at mapang-abuso sa kapangyarihan ay nanginginig na. Alam nilang bilang na ang araw ng kanilang paghahari-harian at paglustay sa pondo ng bayan. Ang mga ito, kasama ang ilang presidential candidate na naaalarma sa pagbuhos ng suporta ng taumbayan kay Erap ang nagpapakalat ng nasabing tsismis na aatras nga raw siya at ieendorso na lang daw ang kandidatura ni Sen. Noynoy Aquino o ni Sen. Manny Villar.
Matatag ang deklarasyon ni Erap na tuloy na tuloy siya sa kanyang kandidatura kahit sa harap ng desperadong mga hakbang ng kanyang mga kritiko sa paninira, panlilibak at panggigipit. Malinaw ang desisyon ng Korte Suprema at Comelec na naaayon sa batas ang pagtakbo niya sa election.
Ang ilang mga pagmamaliit din sa kanyang kandidatura dahil sa hindi niya pangunguna sa mga survey ay isa pa ring panlilinlang sa publiko dahil alam natin na sa puntong ito – na halos tatlong buwan pa bago ang eleksiyon – ay hindi pa talaga decided ang mga botante.
Kumpiyansa si Erap na sa bawat araw habang papalapit ang election ay lalawak at lalakas pa ang tunay na puwersa ng taumbayan na muling magluluklok sa kanya sa Malacañang.