Alagad ng batas nauuna lumabag
MGA opisyal na inatasang ipatupad ang batas ang mismong lumalabag sa batas. ‘Yan ang angal ni Cavite Gov. Erineo Maliksi sa pagtanggal sa hepe ng pulis sa probinsiya nang labag sa batas, utos ng korte at election ban.
Enero 6 walang rasong inalis ni Interior Sec. Ronnie Puno si Sr. Supt. Alfred Sotto Corpus. Umangal agad si Maliksi na wala ito ginawang mali. Kung tutuusin nga, nang maupo ang 1987 top PMA graduate at 2005 Outstanding Policemen, giniba nito ang maraming crime syndicate. Angal din ni Maliksi na hindi nagnomina si Puno ng pamalit ayon sa Napolcom Law, na ginawa nu’ng Agosto kaya napili niya si Corpus. Enero 8 humingi si Maliksi sa korte ng temporary restraining order laban kay Puno at PNP chief Jesus Versoza. Nag-TRO ang korte nang tatlong araw, hanggang Enero 11. Binale-wala ito ni Puno. Samantala, nagsimula na ang election period nu’ng Enero 10, na nagbawal sa executive branch (kasama si Puno) na mag-hire, magsibak o maglipat ng tauhan. Pati ito dinedma ni Puno. Nu’ng araw na ‘yon itinalagang pamalit si Sr. Supt. Primitivo Tabujara. Kinagabihan namuno si Tabujara sa 50 pulis sa checkpoint sa tapat mismo ng bahay ni Maliksi sa eskinita — isang panunuya sa pinunong sibilyan.
Nanumbalik ang kriminalidad sa Cavite. Libu-libong pinunong lokal, sibiko at negosyo ang nagpetisyon laban sa pamomolitika sa pulisya. Nangangamba si Maliksi na gagamitin ang mga unipormado sa eleksiyon: pagtulong sa kalaban at pananakot sa botante. Halos 1.7 milyon na kasi ang botante sa Cavite, mas marami kaysa higanteng Pangasinan at Cebu.
Kamakailan sumapi si Maliksi sa oposisyong Liberal Party. Pinalitan rin ni Puno ang mga hepe ng pulis sa iba pang probinsiya at siyudad na oposisyon ang gobernador o meyor: Pampanga, Isabela, Bulacan, Rizal, Capiz, Nueva Ecija, Bataan, Tarlac, Zambales, Camarines Sur, Antique, Northern Leyte, Surigao del Norte; Caloocan, Pasig, Makati, Alaminos, Davao, Cabanatuan, Muñoz, Palayan. Gapan, Talavera, Guimba, Zaragosa, Quezon, San Isidro, Licab, at Laur.
- Latest
- Trending