TINANONG si Gibo Teodoro sa isang interview kung bakit hindi niya nasugpo ang mga rebelde at bandido noong siya ay Secretary of National Defense. Ang kanyang sagot ay dahil archipelago raw ang Pilipinas at kulang sa sundalo ang pamahalaan kaya hindi niya natalo ang mga kalaban ng gobyerno. Tama nga ba ang kanyang sagot, o di kaya siya lang ang kulang sa pag-intindi ng totoong problema? Ang ibig ba niyang sabihin ay gusto pa niyang magdagdag ng sundalo?
Sa palagay ko, mas tama pa ang mungkahi ni Secretary of National Defense Bert Gonzales, na magdagdag na lamang ng mga reservist. Kaya lang, sa sinabi naman ni Gonzales, may pondo naman kayang makalap ang gobyerno upang mabigyan ng sustento ang karagdagang mga reservist?
Mas mabuti seguro kung ang Cabinet members ay mag-isip muna bago magsalita. Gustuhin man ni Gibo at ni Bert na magdagdag ng sundalo at reservist, naisip na ba nila na kakaunti man ang mga sundalo ngayon, hindi pa rin sila nabibigyan ng pansin at alaga ng gobyerno?
Aksidente raw ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano na kung saan namatay ang mga sundalo at mga opisyal ng Philippine Air Force. Tama nga ba yan? O di kaya naman bumagsak ang eroplano ay masyado nang luma at kulang pa sa maintenance? Kakaunti na nga ang eroplano ng Air Force, nabawasan pa ng isa!
Sa pagbagsak ng eroplano, may mga nagmungkahi na bumili na raw ng bago. Madaling sabihin yan kung hindi corrupt ang namumuno sa gobyerno. Kung sana may tamang layunin si Mrs. Gloria Arroyo sa kabutihan ng military, nagawa na niya sana sa tagal ng kanyang illegal na termino, ngunit wala naman siyang ginawa halos para sa mga sundalo.
Sa totoo lang, kung may pera pang natira ang gobyerno pagkatapos simutin ng corrupt na pangunguna ni Mrs. Arroyo, dapat ay unahin muna ang kapakanan ng mga sundalo mismo, at hindi ang kung ano mang bagay na napakamahal naman bilhin. Sa totoo rin lang, kahit ang pera na para na mismo sa mga sundalo ay hindi pa nakakarating sa kanila. Kawawa nga sila, ngunit kawawa rin tayo, dahil wala tayong matatag na de pensa para sa ating bayan.