'Takipan sa Maxim Casino' (?)
MAY PANGYAYARI na balot ng katanungan. Mga bagay na gumugulo sa ating isipan na humihingi ng tamang kasagutan.
Sunud-sunod na ‘ring’ ng cell phone ang gumising kay Sherryn “Che” Torres, 27 taong gulang ng Tondo Manila.
Madaling-araw ng Nobyembre 23, 2009, tumawag sa kanya si Richelle Salvador, kasamahan sa trabaho ng kanyang asawang si Rizaldy Torres, 29 taong gulang.
Si Rizaldy o Zaldy ay tatlong buwan ng Public Area Attendant ng Maxim Hotel Casino, NAIA.
Ang Maxim ay isa sa pinakamalaking Casino sa Metro Manila, katunayan ang kategorya nito ay isang 5 star hotel.
Pinaalam sa kanya ni Richelle na nasa Pasay General Hospital ang kanyang asawa dahil naaksidente umano ito.
Sinabi ni Richelle na walang malay at malubha ang lagay ni Zaldy dahil sa pagkakahulog umano nito sa jeep.
“Kinabahan ako, ni hindi ko na natanong ang buong pangyayari. Sumugod agad ako sa ospital,” sabi ni Che.
Muling tumawag si Richelle kay Che at sinabing nilipat nila sa Philippine General Hospital (PGH) si Zaldy dahil walang CT scan sa Pasay.
Pagdating ni Che sa PGH naabutan niyang naka- ‘ambu bag’ si Zaldy. Isang instrumento kung saan manu-mano binobomba ang hangin para pumasok sa baga ng isang pasyenteng kritikal ang sitwasyon.
Ayon kay Che, walang tigil ang tagas ng dugo sa ulo ni Zaldy. Nagtamo siya ng pasa sa kanang mata, sugat sa kilay at mga galos sa tuhod at daliri.
Dinala nila si Zaldy sa Pasay, Makati, Parañaque (PMP) Diagnostic Center upang ipa- CT scan.
Nakita sa CT Scan na nagdudugo ang kanyang utak (internal/ brain hemorrhage). Kailangan siyang operahan sa lalong madaling panahon.
Ililipat sana nila sa UST Hospital si Zaldy subalit bumaba ang kanyang ‘blood pressure’ hanggang siya’y tuluyang na-comatose. Pagdating sa UST Hospital idineklara na siyang ‘dead-on-arrival’.
Sa isang ‘autopsy report’ na pinirmahan ni Romeo Salen ng PNP Crime Lab, nagtamo si Zaldy ng ‘injuries’ sa ulo at katawan, Hematoma front region, hetamona right peri-orbital region, hematoma right temporal region. Ang ‘conclusion’ ng kanyang pagkamatay ay ‘traumatic head injuries’.
Tinanong ni Che ang mga kasama ni Zaldy sa jeep na sina Richelle Salvador, John Paul at Juan Cruz, mga katrabaho ni Zaldy.
Ayon umano sa tatlo, sumakay sila ng jeep biyaheng Monumento pauwi. Bago makarating sa Libertad Station ay nahulog umano si Zaldy sa jeep.
Sabi umano ni Richelle, inakala niyang lilipat lang ng pwesto si Zaldy, malapit sa istribo ng jeep ng bigla itong tumalon.
Dagdag naman daw ni John Paul ay nagkukwentuahn si Richelle at Zaldy ng bigla itong tumalon.
Iba naman umano ang kwento ni Juan, nakatulog si Zaldy, naalimpungatan, nagising at biglang tumalon. Nagpagulung-gulong ito kaya pinatitigil nila ang jeep. Bumaba sila para saklolohan si Zaldy.
Nakita din nila na nangingisay at tumirik ang mata ni Zaldy. Sinakay nila ito sa tricycle at dinala sa Pasay Gen.
“Hindi ako naniniwala na tumalon ang asawa ko. Bakit naman niya gagawin yun? Paiba –iba sila ng kwento sa akin,” giit ni Che.
Tinanong ni Che ang ‘plate number’ o kahit itsura man lang ng jeep subalit ayon sa kanila tinakbuhan sila ng driver.
Lumapit siya sa Maxim upang makausap ang tatlo para magbigay ng impormasyon kung paano ma-identify ang jeep at driver subalit tumanggi umano ang mga ito.
Natatakot si Che dahil si Zaldy ay nagtatrabaho sa isang casino kung saan madalas siyang nakakakita ng mga kilalang tao sa gobyerno o mga politiko at ang iba dito’y nagsusugal sa VIP ng malaking halaga. Baka may ‘foul play’ at hindi aksidente ang pangyayari.
Para kay Che ang lahat ng kanyang sinabi ay may basehan dahil siya’y gumawa ng sariling imbestigasyon.
Nagpunta siya sa Pasay Gen, napaglaman niya na walang record na dinala ang asawa niya dun, taliwas ito sa mga sinabi ng katrabaho ni Zaldy.
Pinuntahan niya ang mga Police Station sa Libertad ngunit walang nakatala sa mga blotter nito.
Nung kinausap naman ni Che ang tatlo sa ospital ay napansin niyang walang bahid ng dugo ang kanilang damit gayong ang daming dugo ang lumabas sa ulo ng kanyang asawa.
“Imposible namang hindi magkaroon ng dugo ang kanilang damit dahil sinakay nila ang asawa ko sa tricycle. Malaking tao ang asawa ko siksikan silang tatlo dun. Nakalabas at nakalaylay daw ang kanyang mga paa,” pahayag ni Che.
Sa dami ng katanungan na bumabagabag kay Che, naisipan niyang humingi samin ng tulong.
Pinaliwanag namin sa kanya na bago siya mag-isip na meron ngang foul play sa pagkamatay ng kanyang asawa kailangan munang ma-establish kung anong motibo.
Ang mas mabuti niyang gawin ay ituon ang pansin kung paano ma-identify ang driver at jeep sa tulong ng mga taong kasama ng kanyang asawa ng gabing iyon.
“Hirap akong makausap sila dahil parang pinipigilan sila ng HR ng Maxim. Natatakot silang makaladkad ang pangalan ng kanilang hotel / casino dahil bagong bukas pa lamang ito,” sabi ni Che.
Itinampok namin ang istorya ni Che sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Inirefer namin siya sa tanggapan ni Nestor Mantaring ng National Bureau of Investigation (NBI) upang ipatawag ang tatlong empleyado ng Maxim para magkaroon ng magandang ugnayan sa paghanap ng jeep at driver.
Doon dapat magsimula ang imbestigasyon at hindi kung saang haka-haka. Kung merong ‘significant findings na lalabas na maaring magbigay ng matibay na ebidensiya na meron ngang foul play kaugnay ng kanyang trabaho sa Maxim hindi kami magdadalawang isip na tulungan si Che na makamit niya ang hustisya para sa kanyang asawa.
Pinagtatakpan ba ng Maxim Casino ang mga pangyayari kaya ayaw nila umanong makipag cooperate? Huwag naman sana.
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 maari din kayong tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanggapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas ang aming tanggapan tuwing SABADO 8:30am- 12:00pm. Ang aming 24/7 hotline ay 7104038.
Email: [email protected]
- Latest
- Trending