(Unang Bahagi)
KASO ito ni Fernan. Nag-umpisa siyang magtrabaho bilang medrep sa isang kompanya ng gamot, ang DPP magmula noong Setyembre 1, 1990. Umangat siya sa trabaho hanggang maging district manager ng Ilocos. Isa sa mga tauhan niya si Connie, isang medrep na nakatira sa Pangasinan.
Tatlong beses pinagtangkaang halayin ni Fernan si Connie sa loob mismo ng apartment ng babae mag- mula Marso 9, 11 at 18, 1994. Napilitan na rin si Connie na isum bong at ipaalam sa management ang pinaggagaga-wa ni Fernan matapos ang pangatlong pagtatangka. Gumawa rin siya ng pormal na sulat-kamay na reklamo na may petsang Marso 23, 1994 kung saan detalyadong isinulat ni Connie ang ginawa ni Fernan na pagtatangka sa kanyang pagkababae. Matapos nito, nagreklamo rin si Connie sa mga pulis at gumawa ng sulat sa presidente ng unyon upang ipaalam ang mga ginawa ni Fernan sa kanya.
Umaksyon naman agad sa reklamo ni Connie ang management ng DPP sa pamamagitan ng Regional Sales Manager nitong si Bert. Pinadalhan si Fernan ng sulat at pinapupunta sa pinaka opisina (head office) ng kompanya noong Marso 21, 1994. Sa opisina ay kinompronta ni Bert si Fernan kasama ng DPP Marketing and Sales Director tungkol sa ginagawa niyang pananamantala sa tauhan. Hiwalay na binigay ni Fernan at ni Connie ang kanilang panig sa kuwento. Pagkatapos ay pinag-leave sa trabaho si Fernan.
Pinilit ni Bert na kusa na lang magpaalam at umalis sa trabaho si Fernan ngunit nagmatigas ang huli. Hininto ng kompanya ang pagbibigay sa kanya ng suweldo at iba pang benepisyo. Hindi rin muna siya pinapupunta sa mga miting at iba pang aktibidades ng kompanya. Ang mga tauhan niya ay hindi na sa kanya pinag-uulat kundi sa isa pang district manager na ipinalit sa kanyang posisyon ng hindi niya nalalaman.
Sa paniniwalang sinuspinde at parang tinanggal na rin siya sa trabaho kahit pa hindi alam ang basehan, nagsampa ng reklamo si Fernan sa NLRC noong Abril 13, 1994 para sa illegal suspension, constructive dismissal, payment of salaries allowances, moral and exemplary damages. (Itutuloy)