DALAWANG tulog na lang, araw na ng pagtutuos ng Comelec. Malaking petsa ang Peb. 10 sa poll automation. Takda ng Republic Act 9369 na eksaktong tatlong buwan bago mag-halalan sa 2010, dapat isertipika ng isang international rating agency na nagawa na ang anim na pamantayan ng automation. Walang kiyemeng oo o hindi lang ang report ng ahensiya. Titiyakin kung natapos ng Comelec ang:
(1) field testing ng mga precinct count optical scanner sa pamamagitan ng mock elections sa piling munisipalidad at siyudad;
(2) audit kung walang mali ang pagbilang ng mga makina ng boto, at pagta-transmit ng tally sa canvassing centers;
(3) pagpaparepaso ng computer source code;
(4) pagdepositong escrow ng source code sa Bangko Sentral ng Pilipinas;
(5) pagsertipika na ang nirepasong source code ay siya ring naka-embed sa 82,200 PCOS machines; at
(6) Paglatag ng continuity plan upang, magka-aberya man sa sistema, walang failure sa botohan, bilangan at transmission.
Marami ngang aberya nitong mga nakaraang araw. Sa pag-on ng ilang PCOS, merong mga ayaw umandar. Tig-isang dosenang balota lang kada presinto ang ginamit ng Comelec sa mock elections. Imbis na ang inaasahang dagsa ng halos 1,000 botante sa bawat precinct cluster. Kaya hindi natiyak kung wasto nga bumilang ang PCOS ng maramihang balota. Namangha ang madla sa bilis ng PCOS bumilang, pero hindi nila alam kung tama ang bilang. Kasi in-off ng automation supplier Smartmatic-TIM ang napaka-halagang feature ng PCOS. Ito ‘yung software na ipinapakita ng maki na sa botante ang tamang basa ng boto, bago kainin ang balota.
Aminado ang Comelec na ibibigay pa lang nila ang source code sa mga political parties, na humihingi ng anim na bu wan para magrepaso. Gahol na sa panahon. Kakaba-kaba ka ba, Comelec? Kami, oo.