NOON pa man, marami nang oras ang nasayang ng mga mambabatas. Sa halip na ang talakayin ay ang mga panukalang batas para maipasa, iba ang kanilang ginagawang prayoridad. Hindi ang mga mambabatas ang natalo sa ginagawang ito kundi ang mamamayang makikinabang sana sa panukalang batas. Ngayong panahon ng kampanyahan para sa nalalapit na election, ang mga mambabatas lamang ang nakikinabang sapagkat pinag-uusapan sila. Libre ang kanilang pangangampanya. Isang paraan ng gimik para makaakit ng botante.
Gaya ng ginawa ng mga senador na itinutok ang atensiyon sa C-5 controversy ni Sen. Manny Villar. Nagkaroon ng pagdedebate, batikusan at pagbabangayan habang inuungkat ang C-5 project at insertions sa budget. Pero sa dakong huli, pagkaraan ng halos dalawang linggong pagtalakay, wala ring nangyari. Natapos ang 14th Congress at naiwan sa hangin ang mga batas na dapat ay iprayoridad.
Kabilang sa mga nakapending na mahahalagang panukalang batas ay ang Investment Enhancement Act, Freedom of Information Act, Cybercrime Prevention Act, New Central Bank Act, Reproductive Health Bill at ang Early Voting Bill. Sa 15th Congress na marahil sila matatalakay.
Binigyang prayoridad ng Senado sa pamumuno ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagtalakay sa C-5 controversy na ang kasangkot ay si Villar, kandidato ng Nacionalista Party. Kinakastigo si Villar sa budget insertions at pinasosoli ang malaking pera na ibinayad ng gobyerno. Hindi naman humarap si Villar. Ang nakipagbalitaktakan ay ang mga kaalyado ni Villar. Umaatikabong batikusan. Habang nagbabakbakan wala naman si Sen. Panfilo Lacson na principal na naghalungkat sa C-5 project. Nasa Australia umano si Lacson. Hinahanap si Lacson kaugnay sa Dacer-Corbito murder.
Walang nalutas sapagkat kulang ang bilang ng mga senador. Walang napala ang mamamayan sa halip, ang mga senador na kandidato ang nakinabang. Tumaas ang rating ni Villar at nakapantay ni Sen. Noynoy Aquino, sapagkat naging prayoridad ang pulitika. Kung may sapat na ebidensiya laban sa inaakusahang si Villar bakit hindi siya sampahan ng kaso sa korte at huwag Senado ang gawing arena. Ilaan lamang ang chamber para sa mga batas na mahalaga at kailangang ipasa. Ganito sana mangyari sa susunod na Kongreso.