Buwan ng pag-ibig

Ngayon ay Pebrero – Buwan ng Pag-ibig

Mga puso natin ay dapat na tigib 

Sa pagmamahalang sa buong daigdig

Laganap sa diwa at taos sa dibdib!

Maraming pag-ibig na nagtatagumpay

Kaya ang pamilya’y masaya ang buhay;

Palibhasa’y pusong matapat magmahal

Kaya maligaya silang nabubuhay!

Marami rin ang ngayo’y pag-ibig na bigo

Pagka’t puso nila’y tila nagbibiro;

Nang sila’y magtali sa lumang simboryo

Mga puso nila’y may taksil na timo!

Iba’t ibang puso ang nasa sa dibdib

Ng taong sa mundo’y natutong umibig;

Mayr’ong mga pusong banal bawa’t saglit

At may pusong burak sa tapat ng langit!

Kaya papaanong ang daigdig natin

Magiging payapa saanman dumating?

Sa lahat ng dako ating mapapansin –

Ang gulo at away ng magkakapiling!

Sa mga tahana’y ating nakikita

Naglalaban-laban ang buong pamilya;

Wala ang pag-ibig na dapat kasama

Dahil nasa puso tapat na pagsinta.

Tahimik ang mundo na ginagalawan

Subali’t may pusong di nasisiyahan;

Ang karatig-bansang gusto’y makalamang

Didigmain nito bayang katabi lang!

Bakit ba ganito ang daigdig natin

Lagi nang marami ang sa dusa’y haling?

Lahing nabubuhay sa bayang maningning –

Aawayin ito at nais puksain?

Nang tayo’y likhain ng Amang mabait

Wagas na damdamin ang sa ati’y hatid;

Kaya ang tanong ay kailan babalik –

Sa puso ng tao banal na pag-ibig?

Show comments