Buwan ng pag-ibig
Ngayon ay Pebrero – Buwan ng Pag-ibig
Mga puso natin ay dapat na tigib
Sa pagmamahalang sa buong daigdig
Laganap sa diwa at taos sa dibdib!
Maraming pag-ibig na nagtatagumpay
Kaya ang pamilya’y masaya ang buhay;
Palibhasa’y pusong matapat magmahal
Kaya maligaya silang nabubuhay!
Marami rin ang ngayo’y pag-ibig na bigo
Pagka’t puso nila’y tila nagbibiro;
Nang sila’y magtali sa lumang simboryo
Mga puso nila’y may taksil na timo!
Iba’t ibang puso ang nasa sa dibdib
Ng taong sa mundo’y natutong umibig;
Mayr’ong mga pusong banal bawa’t saglit
At may pusong burak sa tapat ng langit!
Kaya papaanong ang daigdig natin
Magiging payapa saanman dumating?
Sa lahat ng dako ating mapapansin –
Ang gulo at away ng magkakapiling!
Sa mga tahana’y ating nakikita
Naglalaban-laban ang buong pamilya;
Wala ang pag-ibig na dapat kasama
Dahil nasa puso tapat na pagsinta.
Tahimik ang mundo na ginagalawan
Subali’t may pusong di nasisiyahan;
Ang karatig-bansang gusto’y makalamang
Didigmain nito bayang katabi lang!
Bakit ba ganito ang daigdig natin
Lagi nang marami ang sa dusa’y haling?
Lahing nabubuhay sa bayang maningning –
Aawayin ito at nais puksain?
Nang tayo’y likhain ng Amang mabait
Wagas na damdamin ang sa ati’y hatid;
Kaya ang tanong ay kailan babalik –
Sa puso ng tao banal na pag-ibig?
- Latest
- Trending