MARAMING mahalagang panukalang-batas ang hindi napagtibay dahil sa boykot ng “minority bloc” sa Senado noong Miyerkules na nagresulta sa kawalan ng quorum. Ito ang malungkot na sinabi ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Ayon kay Jinggoy, naging mas kapaki-pakinabang at produktibo sana ang kanilang huling araw ng sesyon para sa pagpasa ng mga bagong batas kung hindi umabsent ang ilang senador. Maraming nagsasabing natakot daw ang mga “minority senator” sa nakatakdang botohan sa kontrobersya sa C5 road extension project kaya hindi sila dumalo sa sesyon.
Isa aniya sa mga nasayang na panukalang matagal pinaghirapan at ipinursige ng Senado ay ang Philippine Immigration Act of 2009 na magpapalakas sa 70 taon nang batas na gumagabay sa Bureau of Immigration.
Nasayang din ang panukalang pag-extend sa Congressional Commission on Science and Technology, ang Philippine Tax Academy, ang Special Education Act at ilang lokal na batas para sa pagdaragdag ng mga hukuman, mga mataas na paaralan at mga district hospitals sa mga lugar na kulang-na-kulang sa serbisyong legal, edukasyon at medikal para sa mga mamamayan.
Nakatakda rin sanang talakayin noong Miyerkules ang panukalang paglalagay ng “picture-based warnings” sa mga pakete ng sigarilyo, ang Anti-Prostitution Act, Provincial Water Utilities Act, pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan, pagpaparusa sa mga sangkot sa “enforced at involuntary disappearance”, Emergency Medical Services Systems Act, at marami pang iba. Bukod dito ay natalakay din sana ang report tungkol sa NBN-ZTE deal investiga-tion na ginawa ng Blue Ribbon Committee.
Sa usapin ng C-5 road controversy, kailangan naman talagang malaman ng publiko ang kabuuan ng naturang isyu. May sapat na pagkakataon sana ang aming kaibigang si Sen. Manny Villar na maipaliwanag nang husto ang kanyang panig sa isyu kung nakibahagi siya at ang ibang minority senators sa talakayan tungkol dito, laluna nga noong huling araw ng sesyon.