Hi-tech na panggugulo!

WALA talagang tigil ang krimen. Magmula sa unang kri­meng naganap hanggang sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ito na walang humpay. At sumasabay rin sa pa­nahon at teknolohiya ang krimen at mga kriminal. Anu­mang sistema ang nakalagay para pigilan at labanan ang krimen, tiyak may kontra dito para maganap nga ang masasamang balak. Kasama na rito ang pagharang sa malinis na halalan.

At ito na nga ang pangamba ng Comelec sa naku-hang inpormasyon na limang libong jammers ng cell­phone, o aparato na makakaharang sa paggamit ng cell phone ang pumasok na umano sa bansa. Ang gagamiting pama­maraan ng mga automated counting machines sa pagpa­pa­dala ng inpormasyon at bilang ng mga boto ay telecommunications, na halos pareho sa sistema ng mga cellphone. Kaya natuklasan na magkakaproblema ang mga makinang ito sa mga lugar na mahihina ang signal ng transmission, o mga liblib na lugar. Kaya ang gagawin ng Smartmatic ay maglalagay ng mga karagdagang antenna para matuloy ang pagpapadala ng inpormasyon sa mabilis na panahon. Kung ang mga pumasok na jammers ay gagamitin para hadlangan ang pagpapadala ng mga inpormasyon, magkakaroon ng pagkakataon para dayain na ang mga bilang ng boto. Kaya nga gagawing automated na ang botohan ay para mapabilis lahat at mabawasan ang pagkakataon na mandaya.

Hindi pwedeng palampasin lang ang natuklasang ito. Dapat malaman kung sino ang nagpasok. Saan naman gagamitin ang mga jammers? Hindi naman daw labag sa batas ang gumamit ng jammers. May mga simbahan na gumagamit na raw ng jammers para hindi magamit ang mga cellphone habang nagmimisa. Pati simbahan hi-tech na rin! At kung ang militar ang gagamit para barahin ang paggamit ng mga cell phone ng mga rebelde at terorista, okay yan! Pero limang libo? Parang sapat na ang bilang na iyan para kubrahin ang buong bansa!

Kung sa eleksyon nga gagamitin ang mga jammers, sino naman ang magbebenepisyo sa isang halalan na hindi matutuloy? Eh hindi ba ‘yung siguradong matatalo? Nagtatanong lang.

Show comments