Lindol ng impormasyon
WAKE up call sa ating mga Pilipino ang Haiti earthquake ng January 12. Matagal nang inaantabayanan ng ating mga eksperto ang tanda ng inaasahan nilang matinding lindol. Ang Enriquito-Plantain Garden Fault sa katimugan ng Haiti, sanhi ng halimaw na January 12 quake, ay walang kinaiba sa Philippine Fault sa haba at sa lalim. Kaya sa ngayon ay double time ang PHIVOLCS sa paghahanda sa posibilidad (huwag naman sana) na sumunod tayo sa malas ng Haiti.
Ito lamang 2010 ay nakapagtala na ng apat na lindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kasama ang Zamboa-nga del Norte, Ilocos Norte, Sorsogon at General Santos City. Mabuti at kumikilos ang ating mga awtoridad: Ang DepEd ay nag-umpisa na sa inspection at assessment ng mga school buildings; ang DPWH ay nag-umpisa na ring suriin ang mga government buildings; at ang mga Engineering Department ng mga pamahalaang lokal ay panay na rin ang preparasyon.
Sa isang bansang bumabangon pa mula sa pinakahuling kalamidad ng kalikasan, ang anumang diskusyon tungkol sa panibagong kalamidad ay usaping mas madaling isantabi imbes na pag-usapan. Subalit mahirap magbulag-bulagan at magbingi-bingihan kapag ganito ang katotohanan: Ang tinatayang damage ng Metro Manila sa isang 7.2-magnitude na lindol ay 33,500 ang patay agad, 18,000 patay sa 500 na sabay sabay na sunog, 114,000 napinsala, 3 milyong residenteng mag-aalisan, 175,000 ?na gusaling masisira, at 35% ng pampublikong gusali masisira rin.
Upang maiwasan ang trahedya, wala pa ring mas epektibong lunas kaysa matinding paghahanda. At ang pinakamadaling paraan upang madikdik sa kaisipan ang isang kultura ng kaligtasan ay maibahagi ang lahat ng impormasyong kailangan – hindi lang earthquake drill — upang makapagdesisyon bago pa man mangyari ang trahedya.
Halimbawa na lang – ang Quezon City ay mas ligtas kaysa Maynila dahil halos adobe ang ilalim ng lupa. Sa Maynila naman, ang ilalim ay buhangin ng ilog at baybaying dagat kaya’t hindi kasing solid. Kapag alam natin ang ganitong mga datos ay mas magiging handa tayo pag dumating ang panahon.
Kailangan nating maging armado laban sa peligro ng kalikasan. At ang pinaka- epektibong armas ay ang im-pormasyon at preparasyon. Ang kailangan natin ay lindol ng impormasyon.
- Latest
- Trending