NAGHUHUNTAHAN kami ng barbero ko’ng si Mang Gustin. Usapang pulitika. Mainit na isyu ang bagong survey ng SWS. Lumiliit daw ang lamang ni Noynoy Aquino sa katunggaling si Manny Villar. Matatag naman si dating Presidente Estrada sa pangatlong puwesto at ang pundasyong suporta ay nasa mga kababayan nating mahirap.
Ani Gustin, simula’t-sapul kasi’y iyan na ang linya: “Erap para sa mahirap.” Base sa mga survey, 19 hanggang 21 porsyento ng mga mahihirap ay matatag na pro-Erap. Sey ni Gustin “kaya siguro ipinipinta rin ni Nacionalista Party presidentiable – Sen. Manuel Villar ang sarili bilang dating mahirap. Pero bakit ngayon lang?” Dagdag ni Gustin “magpaka-orig ka naman Senador Villar!”
Naging Kongresista nga naman si Villar at speaker of the house at naging senador at senate president pa pero hindi siya nagpakilalang dating mahirap at pro-poor. Kilala siya bilang matagumpay na negosyante sa real estate pero hindi bilang “rags-to-riches” guy. Naging batik pa sa kanya ngayon ang ’di maputul-putol na kontrobersya sa C-5 road scam.
Bakit ngayon lang? Simple ang sagot kay Mang Gus-tin. Nagdudumilat na isyu kasi ang kahirapan. Hindi lang “abject” kundi “grinding” poverty, any Bro. Eddie Villanueva na pambato ng Bangon Pilipinas sa presidency. Sa liderato ni Presidente Arroyo, lalung sumahol ang kahirapan kahit sinasabing umunlad nang malaki ang ekonomiya. Kaya ang bagay na ito’y ikinataas ng kilay naman ni Bro. Eddie.
Buti pa si Sen. Noynoy Aquino at walang ipinamamaraling “mahirap” siya pa libhasa’y talaga namang nagmula siya sa mayamang angkan ng Cojuangco. Haciendero at ubod nang yaman! At least wala siyang gim-micks” tulad ni Villar. Basta’t ang linya niya ay “malinis” at hindi “magnanakaw.”
Sa kaso ni Gibo Teodoro, matalino siya at tila may “k” pero nagiging problema niya ngayon ay ang affiliation niya sa partido ng isang Pangulong hindi maganda ang iiwang imahe sa bayan. Sayang!
Kaya uulitin natin ang panawagan na maging matali-no na tayo sa pagbili ng ibobotong Pangulo. Basahin ang puso ng mga nagpiprisinta at tukuyin yung inaakala nating sinsero. Dapat karapatdapat!