KUNG may dapat sisihin sa paghalukay ng baho ni Chairman Joey “Itoy” Ejercito ng Bgy. 190, Zone 17, Barrio Obrero, Tondo, walang iba kundi ang kanyang sarili. Sabi raw ni Ejercito, kaya ko siya binabanatan, dahil sinusulsulan ako ng mga kalaban niya sa pulitika!
Dininig ko lang ang hinaing ng iyong constituents, Chairman Ejercito. Binigyan din kita ng pagkakataon na sagutin ang banat nang makausap ko ang kaalyado at “partner” mo na si Insp. Brendo Macapaz, subalit sa halip na ikaw ay sumagot, nagsalita ka sa harap ng mga kapwa mo chairman sa barangay bureau. Sinabi mo na sinisiraan lamang kita sa iyong mga kalaban.
Nakatatawa ka Chairman. Kung may itinanim kang mabuti, tiyak na kakampihan at ipagtatanggol ka nila. Sa ngayon, lalong lumakas ang loob ng mga naperwisyong kabarangay na magbigay ng mga impormasyon laban sa iyong pamamalakad kahit na pinagbabantaan mo silang reresbakan. Hindi na kasi nila masikmura ang pagma malabis mo dahil kahit mga kabataan, pinapatulan mo.
Kung hindi mo pinag-interesan ang motorsiklo ni Darwin Anonuevo, hindi sana nakaladkad ang iyong pangalan. Ganundin ang pagmamatigas mo na huwag gibain ang arkong ipinatayo mo sa S. delos Santos at M. Ocampo. Sa tingin ng mga nakausap ko, nabola mo ang ulo ni Mayor Alfredo Lim kaya hanggang ngayon, nakatayo pa rin ang arko. Paano kung magkasunog sa iyong lugar, makatutulong ba ang malaking ukit ng iyong pangalan sa arko para maapula ang apoy. Pagdating ng tag-ulan kaya kayang limasin ng palpak mong proyekto ang baha? Kapag gumiwang ang pundasyon ng arko at mabutas ang mga tubo ng tubig, kaya bang tapalan ng iyong pangalan? At bakit hindi mo magawang bumili ng kahit na motorsiklo para gawing service ng iyong barangay gayong may pondo naman kayong natatanggap? Ibig bang sabihin ng aking mga kausap, wala kayong budget para magkaroon ng sariling mobile patrol para matulungan ang mga kabarangay?
Itong Bgy. 190 ay mukhang nakalimutan ni DILG sec. Ronaldo Puno at ni dating mayor Lito Atienza na ka zalyado ni Ejercito, kaya nagsusumiksik siya ngayon sa partido ni Mayor Lim. Hinala nila minamanipula ni Ejercito ang pondo ng barangay. Ayon sa sumbong sa akin, ang biyenan ni Ejercito ang ginawa nitong sekretarya kahit hindi residente ng barangay. Nasaan ang 20 tanod na itinalaga para magproteksyon sa iyong constituents? Pitong tanod lamang ang nakikitang nagpapatrulya. Malakas ang kanilang hinala na hinokus-pokus ang payroll para may maisilid ka sa bulsa. Kung legal ang pagtalaga mo ng mga tanod, bakit taga-ibang barangay ang ni-recruit mo gayong maraming nangangailangan ng trabaho sa iyong barangay?
Sa sunod, pangangalanan ko ang mga tanod ni Ejercito.