SIMPLENG-SIMPLE ang State of the Union Address ni US President Barack Obama noong Miyerkules. Punumpuno ng pag-asa at kapani-paniwala sapagkat ang mga programa at proyekto na gustong ilunsad ay pinag-aralan.
Ilan sa mga ito ay ang Health Care program na matagal nang dapat na baguhin ng gobyerno sapagkat marami ang hindi nasasama na makinabang. Sa bagong sistema, mas marami na ang makakasama sa insurance coverage na dati-rati ay napapabayaan na lamang. Mas magiging affordable na ngayon na hindi naman makaaapekto sa kinikita ng mga doktor o ng hospital. Sa bagong plano ni Obama, mas gaganda ngayon ang educational system at makikinabang na ang mga mahihirap.
Maraming beses pinalakpakan si Obama nang banggitin ang kanyang economic plans. Madadagdagan ang export at paggawa ng mga US products kaya milyun-milyong bagong trabaho ang kakailanganin ngayon sa US. Mabibigyan din ng bagong kapital ang mga negosyo. Mabibiyayaan din ang mga Pilipinong war veterans na matagal nang naghihintay na mabayaran ng karapat-dapat ayon sa ipinangako sa kanila. Makukuha na nila ang kabayaran ng lump-sum at ang kanilang monthly pension. Marami pang magagandang sinabi si Obama na magpapabuti sa kalagayan ng kanyang bansa.
Matapos kong marinig si Obama ay na-wish ko sana ay ganundin kaepektibo ang State of the Nation Address ni President Arroyo. Hindi puro pangako na maraming napako. Hindi rin pawang pangpublisidad at puro build-up ang mga sinabi. Sana naman ang susunod na Presidente ng Pilipinas ay may kakaiba nang SONA na kagaya ng kay Obama.