ISA na namang panukala ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang nakatakdang maging batas. Ito ay ang Senate Bill Number 576, o ang “An Act to Ensure Public Access to Official Information”.
Ang panukala ni Jinggoy ay kabilang sa iba’t ibang magkakatulad na panukala na pinagsanib at sinang-ayunan ng bicameral conference committee. Layon ng panukala na kilalanin ang karapatan ng mamamayan na malayang mabusisi ang mga pampublikong dokumento kabilang ang mga kontratang pinapasok ng gobyerno at ang Statements of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng mga opisyal ng pamahalaan. Ito ay magpapalakas sa transparency and good governance sa pamahalaan.
Sa kanyang panukala ay binigyang-diin ni Jinggoy ang nilalaman ng Bill of Rights ng ating Konstitusyon kung saan ay nakasaad na… “The right of the people to information on matters of public concern shall be recognized. Access to official records, and to documents and papers pertaining to official acts, transactions, or decisions, as well as to government research data used as basis for policy development, shall be afforded the citizen subject to such limitations as may be provided by law.”
Siyempre, mayroon pa ring mga impormasyon na hindi puwedeng basta ilahad sa publiko dahil itinuturing na classified or confidential information na kapag kumalat sa publiko ay baka magdulot nang peligro. Ayon sa mga miyembro ng bicam, desidido silang maratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala sa susunod na mga araw.
Ang panukala ay isa na naman sa mga napakamakabuluhang lehislasyon ni Jinggoy na lubhang pakikinabangan ng taumbayan, kasama ng iba pang mga hakbangin para sa mga manggagawa at masang Pilipino.