Strong signal
MATAGUMPAY ang isinagawang “field testing” ng mga signals ng makinang gagamitin sa makasaysayang automated elections sa Mayo. Dinayo pa ng Comelec ang Pateros, Benguet, Naga, Cebu at South Cotabato upang sampolan kung okey ang mga Satellite signal na mag dadala ng resulta mula sa PCOS voting machines sa presinto patungo sa makina sa canvassing centers. Kapag pumalya, may back up cell phone signal na gagamitin.
Malaki ang maitutulong ng ganitong mga programa tungo sa pagpapahinahon sa isang nag-aalalang publiko. Kahit papaano, napatunayan nang makakapagtransmit nga ang mga misteryosong makinang nakikita lang natin sa TV at sa pahayagan.
Pero hindi pa rin panatag ang tao na ang mismong makina ay gagana sa pagbasa ng boto sa presinto pa lamang. Paiba-iba ang ulat sa bilang ng balotang nababasa sa tuwing may hands on demonstration o “mock voting.” Mataas na raw ang 30% o tatlo sa bawat 10 balota. Problema rin ang kakulangan ng exposure ng tao sa ganitong mga PCOS machines.
Bahagi ng mando ng Comelec ang voters education. Subalit kahit pa ito lang ang asikasuhin nila hanggang May 10, hindi magagawang ikutin ang buong kapulungan. Tumutulong sa kampanyang ito ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa paghatid kaalaman sa bayan. Ang mga media organizations din ay madalas magtanghal ng televised forum upang kahit sa TV man lang ay magisnan ng manunuod ang prosesong ma-enkuwentro sa presinto sa Mayo.
Ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Law (PLM-CL) ay nakikiisa sa adhikaing buksan ang mata ng mamamayan upang ito’y maging kapaki-pakinabang sa pagsiguro ng isang malinis at maayos na halalan. Sa Miyerkules, ikatlo ng Pebrero, 2010, sa pakikipagtulungan ng administrasyon ng PLM, ng Comelec at ng PPCRV, ang PLM-CL ay magdadaos ng libreng voters education seminar para sa mga faculty at mag-aaral ng PLM, complete with hands on demonstration (mock voting) sa smartmatic PCOS machines. Ang mga edukador at iskolar ng Pamantasan ay uunahin dahil sila nama’y nasa posisyon din na maghatid ng kaalaman sa mga komunidad sa kamaynilaan.
Bawat isang mamamayan ay may katungkulang tumulong sa pamahalaan sa ganitong mga pagkakataon. Huwag na nating hintayin pa na tayo ang lapitan. Magpadala tayo ng malakas na signal sa kapwa – na ang magandang kinabukasan ay nasa ating mga kamay.
- Latest
- Trending