NAGKAKAGULO ngayon ang mga tauhan at opisyales sa tanggapan ng Department of Environment and Na-tural Resources.
Ang itinuturong “salot” sa kaguluhang ito, ang bagong itinalagang “caretaker”, si acting DENR Secretary Eleazar Quinto.
Dalawa lang ang naglalaro sa isipan ng mga naapektuhan, kung hindi BOBO, MATALINO itong si Quinto. Posibleng naghalo na rin ang kabobohan at katalinuhan nito.
Iyong mga bagay na hindi ginawa ng kanyang dating boss na si Sec. Lito Atienza, ginagawa na ngayon ni Quinto. Ito’y ang iligal at mabilisang balasahan sa mga opisyales at tauhan ng DENR ngayong nalalapit na ang eleksiyon.
“Bobo” si Quinto kung hindi niya alam na bawal ang balasahan sa anumang departmento ngayong mga panahong ito na walang pahintulot mula sa Commission on Election.
Maaaring matalino siya dahil may maitim siyang balakin kung saan siya lamang ang nakaaalam pero nakikita na ng kolum kong ito.
Ang sagot nitong talpulanong si Quinto, gusto niyang mag-iwan ng pamana o legacy sa DENR.
Ang gusto niya yatang palabasin, mas magaling siya kay Atienza na sa loob lamang ng ilang buwang natitira, maisasakatuparan niya ‘yung iiwan niyang legacy kuno.
Posibleng “pakawala” ng palasyo si Quinto dahil hindi ito magkakaroon ng ganitong lakas ng loob kung walang nasa likod niya.
Sino ba naman ang makikinabang kung hindi ang administrasyon sa pinaggagagawa nitong si Quinto kung gagamitin nito ang DENR ngayong nalalapit na ang halalan.
Kaya ganito katibay ang kaniyang sikmura, may sinasandalan. Maliban na lamang kung aawatin ng palasyo itong si Quinto.
Iyong VIP na tinabihan ni Eleazar Quinto, sa burol ni yumaong Cerge Remonde sa Heritage, nag-iisip na raw na palitan siya sa kanyang pagiging OIC sa DENR.
Ito ‘yung VIP na maim-pluwensiya at nakatira sa palasyo. Nabubuwisit na raw matapos mabalitaan ang pinaggagagawa nitong si Quinto.