^

PSN Opinyon

Pinakamatibay na ebidensiya sa bentahan

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

KASO ito ng SPC, isang kompanya ng petrolyo. Noong Setyembre 24, 1994, bumili ang SPC ng excavator — isang makinaryang panghukay ng lupa mula sa ACG. Ang kabuuang halaga nito ay P3,112,519.94 na babayaran ng SPC sa loob ng 12 buwan sa halagang P259,376.62 kada buwan. Ang kasunduan ay pinagtibay ng Vehicle Sales Invoice at Vehicle Sales Confirmation na pinirmahan mismo ng presidente ng SPC. Napagkasunduan din na kahit hawak na ng SPC ang makinarya ay mananatiling pag-aari pa rin ito ng ACG hanggang hindi pa ito natatapos bayaran.

Nang dalhin sa SPC ang excavator, 12 tseke ang inisyu ng presidente nito para sa kabuuang halaga ng nasabing makinarya. Dalawa lamang sa labindalawang tseke ang binayaran ng SPC. Pinatigil ng kompanya ang pagba­bayad sa natitirang sampung tseke. Kahit anong pilit ng ACG ay hindi binayaran ng SPC ang balanse. Bandang huli, napilitang magsampa ng demanda sa korte ang ACG upang mabawi ang makinarya mula sa SPC. Humihingi ng danyos ang ACG mula sa SPC pati na rin ang pag­sasauli sa kompanya ng makinaryang nabanggit.

Ayon naman sa SPC, hindi simpleng bentahan ang pinasok ng dalawang kompanya na tulad ng nilalaman ng mga kontrata. Ang SPC daw at ACG ay mga kinatawan ng dalawang kompanyang banyaga. Diumano, ang UA na pag-aari ng isang stockholder at direktor ng ACG ay may obligasyon sa FPI na pag-aari naman ng presidente ng SPC. Ang obligasyon ay tungkol sa isang hindi nabayarang biyahe ng barko ng FPI na nagkakahalaga ng $315,711.71. Ayon pa sa SPC, ang excavator ay isa sa mga ipinambayad sa nabanggit na obligasyon.

Nagdesisyon ang korte pabor sa ACG. Simpleng bentahan lamang daw ang pinag-uusapan. Ipinag-utos ng korte na tapusin ng SPC ang pagbabayad ng balan­se sa ACG. Sinang-ayunan ng CA ang desisyong ito. Hindi raw mababago ng anu­mang kasunduang na­magitan sa presidente ng SPC at sa isa sa mga direk­tor/stockholder ng ACG ang mga kondisyones ng dokumento ng bentahan ng excavator. Tama ba ang korte at ang CA?

TAMA. Ang pinakama­tibay na ebidensiya sa ka­song ito ay ang vehicle sales invoice na dokumento ng bentahang naganap. Ang dokumentong ito ay isa sa mga papeles na gina­ga­mit ng mga negosyante upang mapadali ang pa­nga­ngalakal at pangungu­tang sa merkado. Legal ito at nagsisilbing patunay sa transaksiyong naganap. Hindi basta kapirasong papel ang sangkot. Nilala–man ng dokumentong ito ang mga detalye ng nata­pos na kasunduan.

Mas mahalaga ang isang pirmadong kasulatan kumpara sa testimonya lamang ng isang taong may interes sa kahihinatnan ng kaso. Hindi maaasahan ang memorya ng isang tao. Ito ang tinatawag sa batas na “parole evidence rule”. Walang basehan ang ar­gumento ng SPC na labas sa parole evidence rule   ang kasong ito.

Hindi lang papasok sa kaso ang parole evidence rule kung malabo ang kon­tratang pinag-uusapan o sadyang magulo ang mga kondisyones na inilatag ng magkabilang panig. Kung sa simpleng pagbasa ng kontrata ay hindi maiintin­dihan ang gustong ipahi­watig ng mga partido, saka pa lamang hihingin ng korte na magbigay ng testimonya ang mga taong sangkot.

Sa kasong ito, malinaw ang mga kondisyones ng kontrata ng bentahan. Ipi­nakikitang ibinenta ng ACG sa SPC ang isang excavator at binayaran ito ng pre­sidente ng SPC gamit ang mga tseke. Sa oras na lu­magda ang isang tao sa kon­trata, tinatanggap ni­yang legal ang mga kon­disyones na nakalatag doon pati na rin ang anu­mang pananagutan sa paglabag nito.

(Seaoil Petroleum vs. Autocorp. Group. G.R. 164­326, October 17, 2008).

vuukle comment

ACG

AYON

ISANG

NOONG SETYEMBRE

SEAOIL PETROLEUM

SHY

SPC

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with