AKALA namin lahat nang sabihin ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel ay may katuturan at kabuluhan. Hindi pala. May lumalabas din pala sa kanyang bibig na “salitang basura”. Akalain ba namang magsalita siya sa mismong kainitan ng debate sa Senado na taliwas sa dapat asahan. Sabi pa niya kay Sen. Mar Roxas, “After your marriage, you will have your insertions.” Sumabog ang tawanan. Nagalit naman si Roxas. Hiniling ni Roxas na huwag isama sa record ang mga “basurang” sinabi ni Pimentel.
Nagpapatawa yata si Pimentel pero ibang klase naman ang style niya na kailangang gumamit pa ng ibang tao para lamang bilhin ang kanyang pagpapatawa. Sa isang katulad niyang iginagalang na senador hindi dapat siya magsalita nang ganoon na may malaswang kahulugan. Ang mga ganoong pananalita ay maririnig lamang sa mga taong kulang ang pinag-aralan at hindi na nag-iisip kung mayroon bang masasaktan o mapapahiya sa kanyang ginawa.
Kung may menor-de-edad na nakapanood ng debate sa chamber at narinig ang mga sinabi ni Pimentel siguro’y magtataka kung bakit ang insertions na kanyang sinabi ay biglang nabaling sa marriage ni Roxas. Maghahanap ng kasagutan ang menor-de-edad kung bakit ganun ang nasabi ng iginagalang na senador.
Nagkaroon ng debate sa chamber noong Lunes habang iniimbestigahan ang C-5 controversy ni Sen. Manuel Villar, kandidatong presidente sa 2010 elections. Ang isyung iyon ang dahilan kung bakit nagkakawatak-watak ngayon ang Senado. Hindi naman nagpapakita si Villar kahit na hiniling ni Senate President Juan Ponce Enrile na humarap ito. Sina Senators Allan Peter Cayetano at Pimentel ang nakipag balitaktakan sa isyu. Ang dalawa ay kaalyado ni Villar. Unang nakabalitaktakan ni Pimentel si Sen. Jamby Madrigal na tinawag nitong “abused child”. Gumanti naman si Jamby at sinabing “Corruption! Corruption!” habang nakaturo ang hintuturo kay Pimentel. Si Jamby ang complainant sa C-5 project. Hanggang sa madako ang usapan sa insertions. Sinabi ni Jamby na wala siyang budgetary insertions kagaya ni Villar. Nagsalita naman si Roxas at sinabi rin na wala siyang insertions sa national budget.
Doon na hinaluan ni Pimentel ng kabastusan ang seryosong usapan. Tsk-tsk-tsk, hindi sana ganoon ang naging pananalita ni Pimentel. Nakadidismaya dahil marami pa namang umiidolo sa kanya.