TUWING nababakante ang posisyon ng Chief Justice (CJ) ng Korte Suprema, tradisyon nang contender ang limang pinaka-senior na Associate Justice. Tulad na lang ngayon sa napipintong pagretiro ni CJ Reynato Puno sa May 17, 2010, sina Justices Antonio Carpio, Renato Corona, Conchita Carpio-Morales, Presbitero Velasco at Antonio Eduardo Nachura ay isinama ng Judicial and Bar Council (JBC) sa pool ng pagpipi-lian para sa listahang ipadadala sa Palasyo.
Marami ang tutol sa pagpupumilit ni Gng. Arroyo na kanyang karapatan at obligasyon pa rin bilang Presidente ang magtalaga ng kapalit na CJ —kahit pa nakapili na ng bagong Presidente sa May 17. Mga dalubhasa ay nagbigay na ng opinyon – may constitutional basis pabor at kontra, may angulo din ng duty to accept laban sa delikadeza to decline.
Anumang argumento ang manalo sa survey ng public opinion, ito’y isang isyung hindi maiiwanang nakabinbin dahil andyan ang Mataas na Hukuman upang humatol ng kung sinunod nga ba o nilabag ang Konstitusyon.
Kaya nakakabigla ang bitaw ni Associate Justice Conchita Carpio Morales na tinatanggap niya ang konsiderasyon ng JBC basta’t ang susunod na Presidente ang siyang pipili. Hindi ba inunahan na niya ang pag pasiya sa isyu bago pa man ito umakyat sa Mataas na Hukuman? Paano pa ito makikilahok sa gagawing pandinig, at papa-ano ibibigay ang kanyang walang pagki-ling na paghatol, gayong deklarado na sa bansa ang kanyang paniwala?
Ganito rin ang problema nina Justices Carpio at Corona, ang dalawang front runner. Sa ngayon ay wala pa sa kanilang sumusunod sa halimbawa nina Justices Velasco at Nachura na mag-back out sa JBC pool. Ibig sabihi’y interesado nga silang maging kapalit ni CJ Puno at ang implikasyon ay tanggap nilang may karapatan nga si Gng. Arroyo na mag-appoint kahit patapos na ang kanyang term. Dapat siguro’y mag-isip na rin sila kung dapat din kayang mag-back out upang hindi mapula- an ang kanilang indepen-dence at impartiality bilang mahistrado sa pagdinig ng napakamahalagang isyung ito.
Diskumpiyado tayo basta si Gng. Arroyo ang pasimuno. Subalit rehimen ng batas ang dapat manaig, hindi rehimen ng tao. At kritikal sa tagumpay ng rehimen ng batas ang mga mahistradong mananatiling impartial sa kahit anong sitwasyon, kahit pa ang sarili nilang interes ang kapalit.
Kapag nagawa nila ito, ito na ang pinaka-kahanga-hangang halimbawa ng tunay na Supreme sacrifice.