MARAMI ang mga nagulat matapos mapanood ‘yung drug raid na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Ususan, Taguig laban sa Tinga Brothers.
Sa nasabing raid, naipakita ang pag-aresto sa magkapatid na Tinga sa mismong ancestral house nila, sa BITAG Live sa UNTV nitong nagdaang Huwebes, a-21 ng Enero.
Dalawa’t kalahating taon na ang nakalipas ng una namin itong ipinalabas sa BITAG sa IBC 13, noong Hulyo 2007.
Aktuwal na nakuhanan ng surveillance video ang pagbebenta ng shabu ng isa sa mga Tinga sa mismong PDEA undercover noong mga panahong iyon.
Sadya naming ipinalabas muli ang kontrobersiyal na segment sa dahilang ibinasura na ni Taguig Regional Trial Court Judge Raul Bautista Villanueva ang kaso at pinalaya ang naarestong Tinga Brothers.
Pumalag ang PDEA at nag-isyu ito ng statement sa media na “hometown decision” daw ang ginawang hakbang ng hukuman, nitong nakaraang linggo.
Nagkaroon ng opisyal na pahayag ang PDEA sa media, mariin nilang tinututulan ang nasabing kontrobersiyal na desisyon.
Linawin natin sa kolum na’to. Ayaw naming makulayan at mahaluan ng pulitika ang pagpapalabas ng BITAG sa kontrobersiyal na segment.
Hindi kami nagagamit ninuman! Open file sa BITAG ang kasong ito, binigyan lang namin ng update ang publi-ko sa desisyon ng hukuman.
BITAG ang napiling exclusive media na sumama at nagdokumento sa operasyon ng PDEA noong mga pa-nahong iyon. Kung kaya’t nasa pangangalaga namin ang exclusive file na’to.