EDITORYAL - Wala nang kinasisindakan ang mga kawatan
BAWAL ang baril dahil mayroong gun ban. Nakaalarma ang Philippine National Police (PNP) at sa gabi ay naglalagay ng checkpoint. Isa-isang sinisiyasat ang mga pasahero ng sasakyan particular ang mga nakamotorsiklo. Tsinitsek kung may papeles ang mga motorsiklo. Gabi-gabi halos ay nagsasagawa ng pag-check-up ang mga pulis sa motorista. Ayon sa report, nasa mahigit nang 400 ang nahulihan ng baril mula nang simulan ang gunban kaugnay sa nalalapit na election.
Pero kahit na may gunban at maraming check-point, hindi pa rin nasisindak ang mga kawatan o kriminal. Patuloy silang umaatake at nakalulusot pa rin. Wala nang kinatatakutan sapagkat sa kaliwana-gan ng araw sila bumabanat. Lantaran ang pagsala-kay at handang pumatay maisakatuparan lamang ang kanilang hangaring makapagnakaw at pumatay.
Isa sa halimbawa na wala nang kinatatakutan o kinasisindakan ang mga kawatan ay nang pagba barilin ang anak ni dating Agrarian Reform Sec. Philip Juico sa tapat mismo ng bahay nito. Mabuti na lamang at hindi tinamaan si Leny Marie Juico, 26, nang barilin ng nag-iisang gunman na nakasakay sa motorsiklo.
Ayon kay Leny Marie, galing siya sa pagwi-withdraw ng pera sa ATM sa West Avenue dakong alas nuwebe ng umaga noong Lunes. Pagkatapos mag-withdraw ay umuwi na siya ng bahay sakay ng kanyang kotse. Napansin na niya habang pauwi na may nakabuntot sa kanyang lalaking nakamotorsiklo. Pagdating umano niya sa kanilang bahay sa Bgy. Paraiso, Del Monte QC at ipapark na niya ang kotse ay biglang bumaba sa motorsiklo ang lalaki at lumapit sa kanya. Kinatok ang salamin at pagkuwa’y binaril ito. Hindi naman tinamaan si Leny. Nabasag ang salamin at sapilitang inagaw ang bag na may lamang P40,000. Mabilis na tumakas ang lalaki sakay ng motorsiklo. Hindi nakuha ang plaka ng motorsiklo.
Wala nang kinasisindakan ang mga kawatan at kahit sa araw ay sumasalakay. Abala ang PNP sa gabi sa pagrekisa sa mga dumadaan sa checkpoints. Dapat pa nilang paigtingin ang paglambat sa mga kawatan at kriminal, hindi lamang sa gabi kundi pati sa araw. Police visibility pa rin ang nararapat para ang mga kawatan at iba pang masasama ay malambat.
- Latest
- Trending