ISA sa mga naging kabiguan ni President Arroyo ay ang pagki-create nang maraming trabaho. Na-sabi niya sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2001 na lilikha siya nang maraming trabaho. Hindi nagkatotoo. Sa June 30, 2010 ay bababa na siya sa puwesto na marami pa ring Pinoy ang walang trabaho.
Ayon sa report ng National Statistics Office (NSO) nasa 2.8 milyong Pinoy (7.5 percent) ang walang trabaho sa kasalukuyan at maaari pa raw tumaas. Noong 2008, nasa 7.4 ang walang trabaho, mas kaunti kumpara noong nagdaang taon. Sabi ng NSO ang pagkakaroon ng sunud-sunod na kalamidad ang dahilan kaya maraming walang trabaho. Noong September 26, 2009 ay nanalasa ang mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng” ay maraming napinsalang ari-arian. Maraming bahay ang nawasak. Pati mga pagawaan at pabrika ay apektado ng grabeng pagbaha. Matagal pa umano bago pa lubusang makabawi ang mga napinsala.
Kung magpapatuloy ang paglobo ng mga walang trabaho, nakatatakot ang paglobo rin ng krimen. Marami ang mahihikayat na gumawa ng masama para magkaroon ng pera. Masamang epekto ng kawalan ng trabaho. Kahit na maraming umaalis para magtrabaho sa Middle East at iba pang bansa, marami pa rin ang walang trabaho at tila walang magawang paraan ang kasalukuyang administrasyon para mag-create ng sapat na trabaho. Mas marami ang mga kabataang nagga-graduate taun-taon pero wala namang mapasukang trabaho. Meron ngang natapos na kurso pero wala namang mapasukan.
Bigo ang Arroyo administration sa paggawa ng sapat na trabaho. Bigo rin naman na mapaganda ang ekonomiya dahil laganap ang corruption. Reklamo nga ng mga foreign investors, laganap ang red tape sa mga ahensiya ng pamahalaan kaya nahihi- rapan silang magtayo ng negosyo rito. Kailangan pang may padulas na pera para umusad ang nilalakad na papeles. Hindi raw business friendly ang Pilipinas.
Malaking responsibilidad ang nakaatang sa su sunod na Presidente ng Pilipinas. Una niyang dapat gawin ay wasakin ang corruption para dumagsa ang investors. Kapag maraming investors, dadami ang trabaho at wala na ring magugutom.