Huling yakap
HANGGANG ngayon damang-dama ko pa rin ang napakahigpit na yakap ni Press Secretary Cerge Remonde noong January 5 nang huli kaming nagkita dito sa ballroom ng Marco Polo Hotel na kung saan isa siya sa mga sumama kay President Arroyo sa launching ng dalawang agricultural projects.
Paalis na kasi si President Arroyo noon pagkatapos ng programa at hinatak ako ni Secretary Remonde sa may pintuan ng ballroom at saka niya ako hinalikan sa magkabilang pisngi at sabay yakap na talagang napakahigpit na tila ayaw bumitaw. Ang yakap na iyon ay para bang he didn’t want to let go.
Nagtaka ako kasi pag nagkikita kami usually beso-beso lang kami niyan pagkatapos ko ngang magmano sa kanya kasi sabi niya Uncle ko raw siya dahil nga taga-Argao, Cebu rin ang pamilya ng mga yumao kong lolo at lola.
Gusto ni Secretary Remonde na tawagin ko siyang ‘Uncle’ at tinatawag naman niya akong pamangkin.
Nang namatay siya noong Martes, saka ko lang naintindihan ang ibig sabihin ng yakap na iyon. Hindi ko alam na iyon pala ang pamaraan ni Secretary Remonde ng kanyang pamamaalam.
At ang kaway ng kamay niya nang pasara na ang elevator ng hotel ay hindi ko rin makalimutan kasi iyon din ang huli niyang pagbigkas ng ‘Bye, bye’ sa akin at tuluyan na kaming naghiwalay dahil nga pumanaw na siya.
Maliban pa sa mga burning issues of the day na tinatalakay namin sa mga panahon na nagkikita kami, parati rin naming naging paksa ni Secretary Remonde ay ang pag-uwi sa Argao.
At parating ang naging paalam namin sa isa’t isa ay ‘kita-kits ta sa Argao’.
Isang coincidence din na ang huling text message sa akin ni Secretary Remonde ay ‘My condolences,’ noong binalita ko sa kanya na kamamatay lang ng Lola Sofing ko sa Argao noong nagdaang linggo.
Hindi ko alam na siya rin pala ay mamamayapa na at talagang tuluyang uuwi na rin ng Argao.
At habang niyayakap niya ako noong huli kaming nagkita sa Marco Polo, paulit-ulit din niyang sinasabi na ‘text mo ako, text mo ako’.
Heto ngayon ang text ko sa iyo— ‘Uncle, please ask God if I could have a one-on-one interview with Him’.
Uncle, sigurado kasi ako na God would also want you to be his Press Secretary.
- Latest
- Trending