ITO ang linggo na ipinagdiriwang ang pagkakaisa nating mga Kristiyano (Christian Unity Week Jan, 18-25) at ang pambansang linggo ng Bibliya (National Bible Week Jan, 17-23). Ayon kay Nehemias ay dinala ang aklat ng kautusan sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may hustong gulang at pang-unawa. “Espiritung bumubuhay ang Salita ng Maykapal”.
Tayong sumasampalataya kay Hesus ay iba’t ibang bahagi ng Kanyang Katawan. Tayong mga Kristiyano ay nagmula sa iba’t ibang lahi subali’t tayo ay iisang katawan ni Hesus. Ang Kanyang Salita ay binuo ng mga ebanghelista upang lubusan nating matiyak ang katotohanan sa mga itinuro sa atin ni Hesus maging ayon kay Propeta Isaias ay pinagtibay niya ang Kanyang misyon: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagka’t hinirang Niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita”.
Ang Kristiyanismo ay ang simbahang itinatag ni Hesus para sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya bilang isang Diyos na totoo at taong totoo. Itinatag niya kay Pedro ang ating simbahan. “Ikaw ay Pedro at sa iba-baw ng batong ito ay itatag ko ang aking simbahan at ang apoy ng impiyerno ay hindi magwawagi laban sa kanya”.
Minsan kasama ko ang pamilya ng aking pamangkin, dumaan kami sa harap ng isang simbahan at nagkrus ako bilang paggalang sa tahanan ng Panginoon. Napansin ng isa kong apo ang paglalagay ko ng Krus at bigla akong tinanong; “bakit po kayo ay nagkurus gayong hindi po naman yan simbahang katoliko”. Ang tangi kong naisagot ay hindi lamang ang simbahang katoliko ang tahanan ng Diyos kundi lahat ng simbahang may Krus na ibig sabihin ay sila rin ay mga Kristiyano na meron din silang tahanan ni Hesus.
Ang Bibliya ay aklat ng ating pananampalataya. Tungkulin nating basahin ito tuwina upang lubusan nating matutuhan ang Salita ng Diyos at isabu- hay. Ang Bibliya ay hindi lamang isang dekorasyon sa tahanan. Kapansin-pansin na merong Bibliya sa isang sala na maitim na ang pahina na nakabukas. Ibig sabihin dekorasyon lamang at hindi binabasa ng sambahayan.
Neh 8:2-4a, 5-6, 8-10; Salmo 70; Cor 12:12-14, 27 at Lk 1:1-4, 4:14-21