Sino ang pipiliin sa 2010?
KAHIT na anong grabeng kaguluhan sa paligid-ligid ay hindi napapansin ng ating mga kababayan. Basta ang mahalaga sa kanila ay pulitika. Kandidatura nila sa pagka-presidente, bise o pagka-senador. Hindi na nila napapansin pa kung malapit nang magunaw ang mundo. Kaya pasok-labas lamang sa kanilang mga taynga kahit libong buhay na ang namatay sa lindol sa Haiti.
Manhid na sa ibang mga bagay ang ating mga pulitiko. Pati topic ng diskasyon at pinagdedebatehan ng mga kandidato ay gasgas na gasgas na at hindi na nagbibigay interes sa mga tagapakinig. Hindi na yata binigyan pa ng pagkakataon na mabigyan man lamang ng butas na mapag-usapan ang mga isyu na magtataas ng moralidad ng sambayanang Pilipino.
May bago bang narinig na programa sa katulad ni dating President Erap Estrada na marami ang nagtaka kung paano nakatakbong muli? Si Manny Villar naman ay may bahid daw ng korapsiyon sa ulo nang dahil kumita ng pera ang mga property nito sa paggamit ng ibang lupain. Pati naman ang anak ng mga bayaning Ninoy at Cory Aquino ay hindi rin ligtas. Ang kayamanang namana nito ay inagaw daw sa mga mahihirap na magsasaka ng Hacienda Luisita. Halos ganito rin ang ipinararatang sa pinsang Gilbert Teodoro.
Hindi nga nakatutuwa ang mga naririnig nating mga paratang sa mga kandidato partikular na sa presidentiables. Lalong nakakahiya kapag may nakausap kayong mga taga-ibang bansa. Hindi nila maintindihan kung bakit sobra ang dami ng mga kumakandidato samantalang kitang-kita naman nila ang malawakang paghihirap ng ating bansa. Para bagang sinasabi nilang nagpapayaman lamang ang mga ito kaya gustong maging presidente.
Hindi ako magsasawang sabihin sa mga mambabasa na piliing mabuti ang kanilang iboboto sa pagka-presidente. Kung inyong dadahan-dahanin ang pag-aaral sa mga kandidatong tumatakbo sa pagka-presidente, mayroon pa rin kayong mapipili kung sino talaga ang maaaring maging presidente sa 2010. Ang mahalaga ay makaalpas tayo sa pagkagapos sa kasalukuyang administrasyon.
- Latest
- Trending