MATINDING trauma ang naging dulot sa batang pasyenteng naging biktima ng kapabayaan ng kanilang inirereklamong doktor. Hindi na ito lumalabas ng bahay at hindi na rin ito pumapasok sa eskuwelahan.
Ayon sa magulang, nahihiya na ang batang humarap sa tao dahil sa pagkasunog ng mga balat at pagpepeklat nito.
Nagsimula lamang sa lagnat at sipon ang sakit ng bata noong buwan ng Nobyembre subalit pagdating nito sa tanggapan ng BITAG buwan ng Disyembre 2009, tila nasunog ang buong katawan ng bata.
Lapnos at nagkaliskis ang balat ng bata mula sa katawan nito hanggang sa mukha. Apektado ang mata at labi ng bata na ikinadurog ng puso ng BITAG nang makita namin ang kalagayan nito.
Sa isang Dermatologist, ipinakonsulta namin ang kalagayan ng pasyente. Dito, lumalabas Steven’s Johnson Syndrome ang nangyari sa batang pasyente.
Ang Steven’s Johnson ay epekto ng pag-inom ng gamot na nagdudulot ng allergy sa taong uminom nito. Isang halimbawa nito ay ang gamot na antibiotic.
Oras na uminom sa mahabang panahon ang isang pasyente ng gamot na antibiotic subalit may allergy siya rito, Steven’s Johnson ang kahihinatnan nito.
Dalawang doktor sa San Mateo Rizal ang pinagpatingnan ng ina, Si. Dr. Edna Dela Paz at Dr. Gina Alberto.
Depensa ng unang doktor, hindi nasabi sa kaniya ng magulang na allergic ang bata sa antibiotic.
Bukod dito, kung sakaling nagkaroon na ng mga singaw ang bata ilang araw matapos nitong inumin ang antibiotic, dapat ay naibalik daw sa kaniya ang pasyente upang makita ang mga sintomas.
Dito, agad daw niyang ipatitigil ang pag-inom ng gamot sa bata. Loss follow-up raw ang ginawa ng magulang dahil ipina-check up nito sa ibang doktor ang pasyente.
Sa ikalawang doktor, wala rin daw sinabi ang magulang tungkol sa pagiging allergic ng bata sa antibiotic subalit ipinatigil raw niyaang pagpapa- inom ng gamot sa bata.
Sagot ng magulang, kasinungalingan raw ito. Pinayuhan raw sila ni Dr. Alberto na ituloy ang pag-inom sa gamot na antibiotic at binabaan lamang ang dosage.
Bilang ina ay hindi raw niya isusugal ang buhay ng anak sa pagdedesisyon ng sarili na ituloy ang pagpapainom sa gamot. Matagal na raw pasyente ng doktor ang kaniyang anak at dati na nito alam na may allergy ang bata sa anti-biotic.
Dito, ipinagpapaubaya na namin sa Philippine Medical Association ang kaso upang pangunahan ang imbestigasyon.
Sa imbestigasyon naman ng BITAG, may nagsisinungaling at may nagtatakip ng sariling pagkakamali sa kasong ito.
Sa kasalukuyan, upang hindi mahinto ang batang pasyente sa pag-aaral, sumailalim ito sa home schooling program na pinangunahan ng kaniyang pinapasukang paaralan.