EDITORYAL - 'Natulog sa pansitan'
TAMA ang ginawa ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Jesus Verzosa na pagtatanggal sa puwesto ng 37 Quezon City policemen kaugnay sa kaso ni Jason Aguilar Ivler. Nagpabaya sa puwesto ang 37 pulis at ang pag-aalis sa mga ito sa kanilang puwesto ang agad ipinataw ni Verzoza. Wasto lamang ang hakbang na ito. Kung hindi ganito ang gagawin sa mga alagad ng batas na naatasang magmanman sa bahay ng pinaghihinalaang killer, ano pa ang aasahan sa kanila ng karaniwang mamamayan. Kung nagawa nilang magwalambahala sa malaki at kontrobersiyal na kaso ni Ivler, ano pa sa ibang maliliit na kaso na ang biktima ay karaniwang mamamayan. Ang agarang aksiyon mula sa PNP chief ay ikinalulugod at maghihintay pa ang taumbayan sa kanyang mga kilos.
“Natulog sa pansitan” ang 37 pulis QC kaya naman, wala isa man sa kanila ang nakatunog sa biglaang pagsalakay ng National Bureau of Investigation sa bahay ni Marlene Aguilar-Pollard sa Blue Ridge Quezon City noong Lunes ng umaga. Si Mar lene ay ina ni Jason, suspek sa pagpatay sa anak ng Malacañang official dahil sa away-trapiko noong Nobyembre 18, 2009 sa Santolan Rd. Quezon City.
Sa raid sa bahay ni Marlene, dalawang NBI agents ang nasugatan nang lumaban si Jason. Nahuli si Jason at ngayon ay sasampahan nang katakut-takot na kaso. Pati ang ina ay kinasuhan ng obstruction of justice at pansamantalang nakalaya makaraang magpiyansa.
Kung ginawa lamang ng 37 pulis-QC ang kanilang trabaho, baka noon pang nakaraang taon natiklo si Ivler. Pero dahil “natulog sa pansitan” wala silang nagawa. Nagwalambahala. Nagpabaya. Tungkulin nilang bantayan ng 24-oras ang bahay na pinagsususpetsahang pinagtataguan ni Jason pero hindi nila ginawa. Walang silbi ang intellience unit ng QC na hindi naamoy na na nagtatago sa bahay si Jason at may hawak na matataas na kalibre ng armas. Marami ring bala.
Tanong: Hindi kaya kasabwat ang 37 kaya maraming baril at bala si Jason?
- Latest
- Trending