KAWAWA ang sinapit ni Jason Aguilar kaya nararapat saklolohan. Naging biktima siya ng pagkakataon. Sa isang iglap nawalan siya ng trabaho sa Doha, Qatar dahil napagkamalan siyang mamamatay-tao sa Pilipinas. Kapangalan niya si Jason Aguilar Ivler, suspect sa pagpatay sa anak ng Malacanang official noong Nob. 18, 2009.
Hindi malilimutan ni Jason ang sinapit sa piitan ng Qatar. Isang linggong nakulong si Jason sa Qatar. Wala siyang maipampalit na damit habang nasa kulungan kaya nagtiis siya sa suot. Mabuti na lamang at may matulunging Sri Lankan na kasama niya sa kulungan at pinagamit siya nito ng naipuslit na cell phone. Nakatawag si Jason sa kanyang mga mga magulang sa Bulacan. At ang mga ito ang nagreport sa ahensiyang nagpaalis kay Jason. Saka pa lamang nalaman ang tungkol sa kaso. At pumutok na sa media ang nangyaring pagkakamali.
Pero bukod sa masaklap na karanasang sinapit sa Qatar jail, marami pang kahindik-hindik na kuwen to si Jason kaugnay sa kanyang pagtatrabaho sa Qatar bilang isang welder. Masyadong kinawawa si Jason ng ahensiyang nagpaalis sa kanya. Palibhasa’y gustong makaalis na para kumita ng pera at nang makatulong sa mga magulang, nagbayad siya ng P9,500 sa ahensiya para sa processing fees. Hindi niya alam kung ano ang ipa-processed ng halagang iyon. Siya ang nagbayad sa kanyang passport at medical.
Bukod sa P9,500 processing fee, pinapirma pa raw si Jason sa promissory note kung saan apat na beses kakaltasin sa suweldo ang $500 placement fee.
Malaking violations ang ginawa ng ahensiya sapagkat ang suweldo umano ni Jason ay wala pang P15,000. Sabi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang isang OFW ay hindi dapat i-charge ng placement fee nang higit sa prescribed monthly salary nito. Bawal daw ang ganoon. Puwedeng kasuhan ang ahensiyang nagpaalis kay Jason. Ang ahensiya umanong nagpaalis kay Jason ay Gems 22. Sabi ng POEA, iimbestigahan nila ang kasong ito.
Nakabalik na ng bansa si Jason at ngayon ay walang trabaho. Sinira siya ng kapangalan. Masyadong naging marahas ang Qatar government at hindi muna bineripika kung ang kanilang inaresto ay talaga bang suspect.
Kawawa si Jason Aguilar, na hindi naman wan-ted pero mas nauna pang makulong kaysa sa “kriminal” na kapangalan. Dapat tulungan si Jason.
Kastiguhin naman ang ahensya na nagpaalis sa kanya.