MAY kasabihang age doesn’t matter kahit sa larangan ng serbisyo publiko. Korek iyan kung may lakas pa at kakayahang gumanap sa tungkulin. Kung hindi (payong kapatid) makabubuting magpahinga na at mag-enjoy sa buhay. Nasabi ko ito dahil may mga umaangal kay Rep. Pedro Pancho ng Bulacan. Kesyo 75-anyos na siya pero may balak pang tumakbo uli. Sabagay, si Senate President Juan Ponce Enrile ay 80 na ang edad pero matikas pa at aktibo sa kanyang gawain. Ok lang sa mga ganyang kaso.
Pero ayon sa mga nakapupuna, itong si Congressman Pancho ay madalas naiidlip sa upuan sa mga sesyon ng Kongreso.
Sa unang siyam na taon daw niya bilang Kongresista mula 1995 hanggang 2004, hanggang magbalik sa pwesto noong 2007, wala rin daw naihain ni isang bill na siya ang main author. Laging nakikiangkas sa bill ng ibang Solon bilang co-author.
Sumawsaw pa raw si Kongresman bilang co-author ng Reproductive Health Bill na binabanatan ng Simbahang Katoliko. Pumirma rin umano siya sa kontrobersyal na HB 1109 para sa Constitutional amendment sa pamamagitan ng Constitutional Assembly o Con-Ass. Ngunit nang batikusin siya ng kanyang mga nasasakupan, sinabi niyang “Di ko naman talaga nausisa yan…basta pinirmahan ko lang.”
May isyu rin tungkol sa di maipaliwanag na kinahinatnan ng pondo para sa isang slaughterhouse sa Baliwag. Naipalabas na umano ang pondo pero walang nangyari. Sinasabing ang loteng dapat pagtayuan nito ay naging isang parkin lot na lang at terminal ng mga tricycle. Kaya nag-aalburoto na si Mayor Romy Estrella dahil binantaan pa siyang idedemanda dahil sa anomalya.
Taumbayan ang naghalal kay Kong. Kaya kung di maganda ang kanyang performance, problema iyan ng mga bumoto sa kanya. Hindi na siya dapat tuligsain. Maski papaano’y nakapagsilbi naman siya sa mga taga-Bulacan. Pero kung totoo ang mga sinasabi sa kanya, tingin ko’y dapat nang magretiro sa pulitika si Kong. Hindi na kasi magandang ehemplo ang ipinakikita sa taumbayan na nagpapasahod sa kanya.