PNP Maj. Aristone Dogue, basahing maigi ang mensaheng 'to!
SARIWA pa sa BITAG ang kasong panghuhulidap at panggagahasa ng mga “putok sa buhong pulis” sa Hilltop Police Station noong buwan ng Setyembre taong 2009.
Bagamat nasampahan na ng kaso ang dalawang suspek na pulis dito kung saan ang pangunahing suspek na itinuturo ay si PO2 Moratillo. Nakatutok pa rin ang BITAG dito.
Marami ang nakisimpatiya sa sinapit ng ginang na ginahasa sa isang resort sa Taytay Rizal ni PO2 Moratillo.
Isa na namang kasong Hulidap at panggagahasa ang inireklamo sa aming tanggapan ng mga operatiba umano ng Police Special Operations Group sa Hilltop Police, Taytay Rizal.
Itinuturo na rito ang isang opisyal na si Maj. Aristone Dogue na hepe ng nasabing PSOG na ngayo’y binu- wag na.
Isang barbecue vendor ang biktima ng mga operatiba ng PSOG. Plinantahan ito ng sachet ng shabu mula mismo sa pitaka ng mga pulis na humuli sa kaniya.
Dinala raw siya sa presinto at pinag-gugugulpi siya sa loob ng opisina ng PSOG at pinaaamin sa salang drug pushing ng mga pulis na maituturing na “anak ng babaeng asong kalye” ang mga asal.
Kapalit ng kalayaan ng biktima, hiningian sila ng isandaang libong piso na bumaba sa apat na libong piso na pinatulan naman ng mga patay-gutom na les-pu ng PSOG.
Ayon sa misis na biktima, sa loob mismo ng opisina ng PSOG, a-15 ng Disyembre sa kuwarto ni Maj. Dogue, hinubaran daw siya at ginahasa sa kama nito.
Kahapon, binisita ng BITAG ang tanggapan ng dating PSOG. Kasama namin ang biktima at idinitalye nito ang kaniyang sinapit sa panghahalay ni Dogue.
Sa kolum kong ito, ipinaabot ko na ang men- sahe ko kay Maj. Dogue: “Magtago ka hanggang gusto mo alam namin kung saan ka nakatira, alam na rin namin ang rutang iyong dinadaanan papuntang opisina.”
“Alam na rin namin ang sasakyang ginagamit mo, alam na namin kung papaano ka lumalabas ng nasabing kampo. Magtago ka hanggang gusto mo sa ilalim ng saya ng misis mo.”
“Lingid sa iyong kaalaman, trinabaho ka na namin. Hulog ka na sa BITAG ng aming surveillance camera sa loob mismo ng iyong dating tanggapan na nagmuka kang tanga kung mapapanood mo”.
“ Simple lang ang kahilingan ko bilang si BITAG, humarap ka sa akin ng parang lalaki. Sagutin mo ang paratang sa’yo”
“Ito ang tanging karapatan na pinagkakaloob ko sa’yo, bukod dito wala na akong pakialam kung anong kahihinatnan ng kolum kong ito sa’yo. Mamili ka, haharap ka o iiwas ka, alin sa dalawa?” ….Sagot!
- Latest
- Trending