'Sabit na, lusot pa!'
(Unang bahagi)
MINSAN sigurado na tayo sa mga taong nasalikod ng isang brutal na krimen. May mga pagkakataon na dahil sa masamang paghawak ng ebidensya napapakawalan ang mga ito. Kapag nangyari ang ganito masisisi mo na ang isang tao na mawalan ng tiwala sa ating HUSTISYA?
Si Joel Borromeo, 27 gulang ay kabilang na mga statistiko ng mga taong nadismaya sa itinakbo ng kasong kanilang isinampa hinggil sa pagpatay sa kanyang ama’t bunsong kapatid.
Sina Joel ay mula sa pamilya ng mga sikat na panadero sa bayan ng Iriga City, Camarines Sur si Joel alyas “Oboy.”
Pinatay ang kanyang ama at kapatid. Tadtad ng saksak at ginilitan sa leeg ng isang matalas na bagay. Isa sa mga biktima ay onse anyos lamang.
Sino ang nasa likod ng malagim na krimen na ito? May hinala sina Oboy subalit dahil ang ating “judicial system” ay naka-ugat sa mga testimonya at ebidensya sumalto ang kasong isinampa nila.
Kilala ang mga Borromeo sa kanilang lugar.
Mahigit isang dekada na ang bakeshop nila Oboy, taong 1999 pa ng simulan ito ng kanyang ama. Nung una’y nakikihiram lang sila ng panaderya hanggang sa maitayo nila ang ‘ES Bakery’.
Kanya-kanyang toka ang magkakapatid na Borromeo sa pagpapatakbo ng kanilang bakeshop.
Si Oboy ay ang panganay na lalake sa sampung anak nila Sancho at Evangeline. Sa kanya tinuro ng amang si Sancho ang galing sa pagluto ng ‘Galletas’ habang pito pa sa kanyang kapatid ang katulong niya sa bakery.
Ang pang siyam na si Jesus Christian o “Buboy” naman at ang bunsong si John Gerald mas kilala sa tawag na “Dupong” onse anyos at laging kasama ni Sancho sa pagdedeliver ng kanilang mga produkto.
Ika-25 ng Oktubre 2009, ng magdeliver sila Sancho, Buboy at Dupong sa Banase, Bula ay bigla umanong lumapit ang magkapatid na si Gernan at Rey Sabenario.
Ang magkapatid na Sabenario ay mga ‘boarders’ ng kanilang tiyong si Krisanto Borromeo.
Bago pa umano makababa ng kanilang ‘tricycle’ sila Sancho’y tinanong umano ni Rey si Buboy, “Boy, kailan kayo nagdedeliver dito ng tinapay, tuwing anong oras?”.
Dahil bata si Buboy hindi niya pinaghinalaan ang tanong ni Rey. Mabilis niya itong sinagot.
Nakisabay din ang magkapatid pabalik sa Iriga. Isang kalye lang ang pagitan ng boarding house nila sa bahay nila Oboy. Para makamenos nakiangkas ang dalawa kila Sancho.
Hindi akalain ng pamilya Borromeo na ang nakadududang kilos ng magkapatid ay mauuwi sa isang marahas na krimen.
Oktubre 29, 2009, makalipas ang apat na araw bandang alas nuwebe ng umaga may dumating na tanod sa bakery. Isang masamang balita ang pinarating kay Oboy.
Tinanong ng tanod kung sinong may-ari ng asul na tricycle na may nakatatak na ‘side line 2’ sa likod. Ang unang pumasok sa isip ni Oboy naaksidente ang kanyang ama at bunsong kapatid. Nabigla siya ng sabihing natagpuang patay sa Banase, Bula National Road ang sakay ng tricycle.
Pumunta agad sila Oboy at nakababatang kapatid na si Sancho Jr. sa Bula. Nagtaasan ang balahibo ni Oboy ng makita ang sinapit ng ama at kapatid na bunsong nakahandusay sa daan.
Nakita niya ang amang ginilitan ang leeg at tadtad ng saksak sa kanang dibdib, sikmura, tiyan, likod at sa bunbunan.
Niyakap ni Oboy ang bangkay ng kanyang duguang ama habang nakatitig sa kanyang kapatid na nakabuka ang leeg sa pagkakalaslas nito.
May lumapit sa kanya na nagpakilalang isang Danilo Marmol alyas “Danny” na residente ng Bula.
Si Danny ang unang nakakita sa bangkay ng mag-ama. Kwento ni Danny kay Oboy, nakarinig siya ng walang tigil na busina ng tricycle sa Bula National Road.
Kasalukuyan siyang nasa uma (palayan) nun. Tiningnan ni Danny ang ingay ng busina. Dalawang lalaking kumakaripas ng takbo galing sa isang asul na tricycle ang naabutan ni Danny.
Tinawag niya ang atensyon ng dalawa. Sinigawan niya ito subalit tumakbo ito palayo papunta sa uma habang pinagpapasahan ang isang ‘bag’.
Nilapitan ni Danny ang tricycle na nakaparada, gumulantang sa kanya ang bakas ng sariwang dugo sa loob nito. Tumingin siya sa gilid ng ‘trimobile’, dito niya nakita ang mag-amang Borromeo... duguan at puno ng saksak.
Nagboluntaryo si Danny na maging testigo sa krimen. Dumiretso sa Iriga Police Station si Oboy para paimbestigahan ang pagkamatay ng kanyang ama.
Bumalik sa alaala ni Buboy ang kahina-hinalang kilos ng magkapatid na Sabenario. Lalong lumakas ang kutob ni Oboy na sangkot ang kanyang tiyo sa pagpatay kay Sancho at Dupong.
Agad nilang pina-’blotter’ sila Gernan at Rey. Inimbitahan ang magkapatid sa Barangay.
Ayon kay Oboy, pautal-utal at kabado si Gernan sa mga tanong ng lupon. Para umanong may tinatago itong si Gernan kaya’t tinurn-over siya sa Presinto Bula, Head Quarters.
Pinuntahan ng mga pulis si Rey sa boarding house nito para maimbitahan.
Ang nakakapagtaka’y ng hanapin ni SPO1 Jonathan Portas si Rey kay Leonel Tarnate sa pamangkin ng asawa ni Krisanto na si Erlina ay nagtatakbo umano ito palabas ng bahay.
Napansin ni SPO1 Portas ang sariwang dugo sa ‘short’ ni Leonel kaya’t pati siya’y isinama ng mga pulis pabalik sa presinto upang maimbestigahan.
AYON KAY OBOY si Danny ay nagkaroon ng pagkakataong kilalanin ang mga lalakeng nakita niyang tumatakbong papalayo mula sa krimen nung magpunta ito sa pulis istasyon.
Importante din naman sabihin na hindi nailagay itong bagay na ito sa kanyang sinumpaang salaysay na ibinigay sa mga pulis.
Nais ko rin idagdag na maaring isiningit nitong si Oboy na kinilala ni Danny sa presinto ang dalawang dinampot ng mga pulis. Ang ipinagtataka nila ay bakit hindi isinali sa salaysay ni Danny sa lahat ng mga papeles na isinumite sa taga-usig.
Bago namin ipagpatuloy ang pagsusulat sa artikulong ito tinatawagan ng pansin ang mga pulis na nag-imbestiga sa kasong ito at ang mga taong nakaladkad sa krimen na ito na ibigay ang kanilang panig para sa isang patas na pamamahayag!
Sila kaya ang dalawang lalakeng nakita ni Danny na tumatakbong papalayo mula sa “crime scene”? Tutukan ang mga kaganapan at mga nakakahilong “development” sa “Double Murders” na ito.
ABANGAN... ang karugtong ng seryeng ito sa MIYERKULES dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Bukas din ang aming tanggapan tuwing Sabado mula 8:30AM-12NN. Maari din kayong tumawag sa aming 24/7 hotline sa numerong 7104038.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending