PANGKARANIWAN na lamang ngayon ang nangyari kay Rodelio “Dondon” Lanuza. Madaling maghanap ng mga OFW na may sinapit na masamang kapalaran katulad niya, ngunit mahirap maghanap ng mga halimbawa kung saan naging mabilis at sapat ang tulong ng gobyerno sa mga katulad niya.
Isang email ang nakarating sa akin tungkol sa sinapit ni Dondon, galing sa kanyang maybahay na si Maribeth. Ayon kay Maribeth, nakauwi na si Dondon galing sa Saudi Arabia, ngunit wala na siyang pera upang ma-follow-up pa ang case niya, at hindi pa yata makauwi sa probinsiya niya upang makasama ang mga anak dahil wala na ngang pera.
Hindi sinabi ni Maribeth kung paano nakauwi si Dondon at kung ano ang tulong na ibinigay ng Philippine Embassy sa Riyadh sa kanya. Sa wari ko, maaring walang tulong na naibigay ang Embassy dahil kung mayroon, nasabi na niya dapat at lumabas na rin sa press release ng DFA.
Dahil sa kagipitan, humihingi ng tulong si Dondon at si Maribeth sa sino man na maaawa sa kanila. Sa mga nais tumulong, maaring magpadala sa kanilang bank account sa RCBC Makati main branch, account number 1965223971. Sa mga nais ma-contact sila, mag-email lang sa donlanuza@gmail.com.
Ilan pa kayang Dondon ang naiwan ngayon na naka kulong sa abroad? Ilan kaya sa kanila ang hindi aabutan ng suwerte upang makauwi na katulad ni Dondon?
Wish ko lang, sana maglabas ang DFA at DOLE ng kumpletong listahan ng mga nakakulong, kung saan sasabihin nila ang status ng bawat bilanggo.
Isa pang problema, kung nakauwi na kasi ang isang OFW, parang wala nang ahensiya ng gobyerno na sumasalo sa kanila kung sila ay may naiwan pang problema.
Sa tingin ko, dapat may coordination ang DFA sa DSWD upang ma-refer ang pagtulong sa mga OFW na may problema sa pera, upang maging totoo naman ang kasabihan na mga bayani natin sila.
Ang mga OFW nga ang nagligtas sa ating ekonomiya, hindi ba dapat ang gobyerno naman ang magligtas sa kanila kung sila ay nakakulong at kung may mga sinapit na problema?