“KUNG mag-resign na lang sana si Sen. President Enrile, tapos ang problema.” Kung si Cong. Edno Joson ang masusunod, hamunin dapat si JPE na isakripisyo na lamang ang posisyon sa ngalan ng pagkapanatag ng bansa sa isang maayos na line of succession.
Ang sanhi ng kapraningan ni Cong. ay ang posibilidad ng magkagulo sa eleksyon at walang malinaw na mananalo. Kung patapos na ang termino ni (1) Gng. Arroyo, (2) VP de Castro, (3) Sen. Pres. JPE, (4) Speaker Nograles at maging ni (5) CJ Puno, wala nga namang matiti- rang acting President pansamantala. Kaya pinipilit iupong Sen. President ang isa sa Senador na hanggang 2013 pa ang termino.
Bangungot din ang vacancy ng Chief Justice. Magreretiro sa May 17 si CJ Puno. Sa Saligang Batas, ang Presidente ay may 90 days upang punuin ang anumang vacancy sa Supreme Court. Ang problema ay ang iba pang probisyon na ipinagbabawal sa Presidente ang pag-appoint ng sinuman sa loob ng dalawang buwan bago mag-Presidential election maging hanggang katapusan ng nalalabing termino. Ito ay bunga ng mapait na karanasan sa midnight appointments nung panahon ni President Diosdado Macapagal.
Pagpatak ng May 17, pihadong nakapili na ang bansa ng bagong uupong Presidente. Sa kabila nito, determinado si Gng. Arroyo na magtalaga ng kapalit na Chief Justice. Siempre diskumpiyado ang oposisyon sa motibo ng Palasyo. Iwan dapat sa bagong Presidente ang desisyon. Pwede namang acting Chief Justice ang pinaka-senior na Mahistrado.
Mas maganda kung may permanenteng Chief Justice — mismong si CJ Puno ay pabor dito dahil sa mga sensitibong desisyong haharapin ng Supreme Court lalo nga kung nagkagulo. Kung ito talaga ang gusto, dalawa ang puwedeng solusyon: Una, ipilit ni Gng. Arroyo na mag-appoint sa May 17. Siguradong kukuwestiyu-nin sa Supreme Court pero matatagalan bago maaksyunan ito ng pinal. Lalo pa kung sa hanay din ng Korte manggagaling ang ipupuwesto. Pansamantala ay manunungkulan ang kapa-lit at magagampanan ang mga obligasyon ng Chief Justice.
Ang pangalawang posibilidad? Sabayan ni CJ Puno na magresign si Sen. Pres. JPE. Gaya ng sinabi ni Cong. Joson – eh di tapos ang problema!