SA lahat ng mga kumakandidato sa pagka-pangulo ng bansa, dalawa lang ang may adbokasyang maka-diyos: Sina Sen. Noynoy Aquino ng Liberal party at Bro. Eddie Villanueva ng Bangon Pilipinas.
Ang matatawag nating “mantra” ni Bro. Eddie ay “Dios at Bayan.” Katunayan, may programa siya sa Q-TV at GMA-7 na ang pamagat ay Dios at Bayan. Sabi ni Bro Eddie, ang tunay na pagbabangon ng Pilipinas ay nakasalalay sa pagsugpo ng talamak na korupsyon na hindi maga- gawa kung walang “genuine love for God and country.”
Sa pinakabagong political ad ni Noynoy binigyang diin ng binatang senador na susugpuin niya ang kahirapan at itataguyod ang iniwang legacy ng kanyang mga yumaong magulang na sina Sen. Benigno Aquino at Presidente Cory Aquino.
“Nangangako ako sa Diyos at sa bayan...hindi ako magnanakaw,” ani Noynoy sa kanyang political ads.
Tuwang-tuwa si Bro. Eddie sa linyang maka-diyos ni Noynoy. “Natutuwa ako at kinakatigan ni Noynoy ang advocacy ng Bangon Pilipinas” aniya.
Totoo na ang dahilan ng sobrang katiwalian ay ang kawalan ng takot sa Dios ng mga namumuno sa gobyerno. Ayon sa isang World Bank study, tinataya sa 50 percent ng national budget ay nalulustay sa korupsyon. Ito’y humigit kumulang sa P700-billion na dapat sana’y magastos para sa kapakanan ng taumbayan.
Sabi ni Bro. Eddie, ang isang totoong Kristiyano ay hindi mangangahas na magpayaman sa gitna ng pagdurusa ng maliliit na mamamayan. “Noynoy must have felt that putting God in everything we do is really the way to go. We at Bangon Pilipinas have always believed that,” dagdag niya.
Pero alam n’yo ba na si Bro. Eddie ay dating “atheist” o hindi naniniwala sa Dios? Isa siyang dating political activist na yumakap sa doktrina ng komunista noong dekada 70. May mga kamangha-manghang pangyayari na di maunawaan. Mula sa pagiging atheist ay isa na siyang masugid na naglilingkod sa pagtataguyod ng mga mabubuting layunin ng Panginoon. Isa na rito ang paghu-bog ng isang matuwid na pamahalaan na maglilingkod ng tapat sa bayan.