EDITORYAL - Sunud-sunod na increase ng oil companies
HINDI lamang ang mga motorista ang nababa-hala sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng petroleum products kundi pati na ang mamamayan mismo. Paano’y ang patuloy na pagtataas ng presyo ang ugat para magsimulang tumaas din ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng bigas, isda, karne, asukal, sardinas at iba pa. Kasunod din ng pagtataas ng petrolyo ay ang pamasahe. At walang ibang apektado ng pagtataas ng mga pangunahing bilihin kundi ang mga mahihirap o ang mga kakarampot ang suweldo. Saan aabot ang kanilang suweldo kung magdadagdag ng presyo sa bigas na umano’y aabot sa P39 ang kilo. At bukod pa riyan, magtataas din ng singil sa kuryente at iba pang bayarin.
Kapuna-puna na ang sunud-sunod na oil increase. Ngayong 2010, nakadalawang increase na ang oil companies. Una ay noong Enero 5, na nagtaas ng P1 sa bawat litro ng gasolina at sa diesel ay P1.25. Ang ikalawang oil increase ay kahapon ng madaling araw kung saan itinaas ng P1 ang gasoline at P1.50 sa diesel. Bago natapos ang 2009, nagtaas ng P1 sa presyo ng gasolina at 50 sentimos sa diesel. Yung ni-rollback nila noong Disyembre 14 at 21, 2009 na P1.75 ay agad din nilang nabawi sa madalas na oil increase.
Wala namang ibang katwiran ang oil companies kundi nagtataas sa pandaigdigang pamilihan ang mga oil-exporting countries. Sa huling pagtaas sinabing ang grabeng taglamig na nararanasan sa maraming bansa ang dahilan.
Si Energy Sec. Angelo Reyes ay wala namang masabing konkreto kung bakit sunud-sunod ang pagtataas ng petroleum products. Kagaya ng iba pang pagtataas sa nakaraan, walang masabi si Reyes kung bakit tila sunud-sunod ang pagtataas ng presyo gayung siya ang dapat ang unang makaalam nito. Siya ang dapat kumastigo sa oil companies pero hindi nangyayari, sa halip siya pa ang tila nagiging tagapagsalita ng “Big 3”.
- Latest
- Trending