'Pipitsuging siga!'
HINDI sa lahat ng sandali madadaan sa tapang at lakas ang lahat ng bagay. Madaling magtapang-tapangan kung may hawak kang baril!
Ito ang pinatunayan ni Liezel Manuel, 29 na taong gulang ng Sampaloc, Manila.
Si Liezel ay nagsadya sa aming tanggapan upang ireklamo ang kanyang dating manliligaw sa pananakit umano nito sa kanyang kinakasama.
Apat na taon ng magkasintahan si Liezel at Jonathan Guzon.
“Tricycle driver” si Jonathan o ”Athan”. Nagkakilala sila ni Liezel ng minsang dumalo ang dalaga sa isang ‘fiesta’.
Pagkakita pa lang ni Athan ay may naramdaman na siyang espesyal kay Liezel. Pakikipagkaibigan ang naisipang paraan ni Athan para mapalapit sa dalaga.
Sa dami-raming nanligaw kay Liezel kabilang ang kanyang kinakapatid na si Olan Soriano siya ang napili nito.
Apat na taong magkasintahan sila Athan ng magdesisyon silang magsama.
Oktubre 2009 ng tuluyang nagsama ang dalawa. Masayang naging pagsasama nila Athan at Liezel.
Araw-araw namamasada itong si Athan habang nakaangkas si Liezel. Buong maghapon magkasama nilang iniikot ang buong Altura, Manila para makakuha ng mga pasahero.
Disyembre 27 2009 bandang alas otso ng umaga, tulad ng nakagawian pumunta ang mag-asawa sa Petron, Altura upang magpagasolina.
Papalapit pa lang ng Petron si Athan nakita na niya itong si Olan na pasalubong sa kanila. Nagkatinginan ang dalawa. Dahil nga dating magkaribal kay Liezel at nagkatitigan ng masama ang mga ito.
Humarurot ng takbo si Olan. Tumigil ito sa tapat ng tricycle nila Liezel sabay hila sa kamay ng asawa.
Nung una’y inakala ni Liezel na nagbibiro si Olan subalit nagulat nalang ito ng ilabas ni Olan ang isang .38 calibre na baril at pinagpupukpok ito kay Athan.
“Pinagpapalo niya ng baril sa ulo ang aking asawa. Hindi ko mabilang kung ilang beses niyang inulit pagpapaluin si Athan. Nakita ko na lang na tumutulo ang dugo sa ulo niya habang walang tigil si Olan sa paghampas!” mariing pagsalaysay ni Liezel.
Natulala sa takot si Liezel. Nabigla siya sa mga nasaksihan sa sobrang gulat ay parang nawala siya sa wisyo. Natauhan nalang itong si Liezel ng makita ang mga patak ng dugo na galing sa kanyang ulo.
Pati pala siya’y pinukpok ni Olan ng hindi niya namalayan. Nagsisigaw si Liezel ng makita ang dugong bumubulwak sa taas ng kanyang kaliwang kilay.
Nagsimulang magwala si Liezel at nagsisigaw ng, “Tulungan niyo kami! Tulungan niyo ang asawa ko!”.
Kahit anong lakas ng sigaw ni Liezel ay wala umanong umawat kay Olan sa pamumukpok. Ni isang pulis umano’y walang rumesponde ng panahong nangyayari ang bugbugan.
Kitang-kita niya kung paano sinubukan ng kanyang asawang manlaban kay Olan subalit sa lakas ng pagpukpok nito sa ulo ni Athan ay halos matumba na ito sa hilo.
Hindi pa nakuntento si Olan na makitang duguan itong si Athan. Matapos umano nitong hambalusin ng baril sa ulo si Athan ay pinaputukan niya pa ito.
Bumwelo ng takbo palayo si Athan ng itutok ni Olan ang baril sa kanya. Maswerte naman siya’t hindi siya tinamaan.
Inakala ni Liezel na natamaan ang kanyang asawa. Nagsisigaw si Liezel ng marinig ang putok. Duguang umuwi si Athan sa kanilang bahay. Wala pang limang minuto sumunod namang nakauwi si Liezel.
“Puro dugo ang damit ng asawa ko. Ang dugo sa ulo niya sumisirit... walang tigil sa pagbulwak,” pagsasalarawan ni Liezel.
Sabay silang nagpunta sa Ospital ng Sampaloc upang magpagamot. Nagkaroon ng tatlong putok sa ulo si Athan sanhi ng malalakas at sunud-sunod na palo ng baril ni Olan.
Sa lalim ng sugat ni Athan, kinailangang tahiin ang tatlong sugat nito ng tig-tatlong ‘stitches’. Si Liezel naman nagkaroon ng pilat sa itaas ng kanyang kaliwang kilay.
Nung araw ding yun, nagpunta ang mag-asawa sa Presinto 4, Balic-Balic para magsumbong. Ayon kina Athan sila na ang nagco-’complaint’ ay sila pa umano ang pinapalabas ng may kasalanan ng mga pulis.
Kinumpiska rin ng mga pulis ang kanilang tricycle dahil may kaso umano si Athan.
“Pakiramdam ko niluluto kami ng mga pulis dun, palibhasay asset ng pulis si Olan. Ako na nga ang naagrabiyado, tignan mo naman ang nangyari sa amin ng asawa ko,” pagngingitngit ni Athan.
Hindi malaman ni Athan kung anong sapat na motibo ni Olan para gawin ito sa kanya.
Hinala rin ni Athan na isa sa mga dahilan kung bakit ganito siya tratuhin ni Olan ay dahil sa pangba-’basted’ ni Liezel dito.
Nadagdagan pa ang galit ni Olan ng makarating sa kanyang pinagkakalat ni Athan na pinipindeho ang kanyang tiyo.
“Oo, isa ako sa mga nakakaalam nun pero hindi ako ang nagkakalat ng tsismis! Kailangan ko ng lumaban,” sabi ni Athan.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Athan.
Pinayuhan namin si Athan na magsampa ng kasong Serious Physical Injuries laban dito kay Olan.
Pinaliwanag din namin kina Athan na kinakailangan nilang kumuha ng ‘Certificate to File Action’ sa barangay ng sa ganun ay maiangat na ang kanilang reklamo sa Prosecutor’s Office, Manila.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, iisa lang ang masasabi ko sa ‘yo. Wala sa hawak mong baril nandun ang tapang ng isang lalake! Nabasted ka lang pinag-initan mo na ang taong tumalo sa ‘yo sa puso ng isang babae!
Tignan ko nga kung gaano ka katapang kapag lumabas ang “warrant of arrest” laban sa yo at nakalaboso ka na! Maraming siga sa kulungan! Tignan natin ang tapang ng isang pipitsuging katulad mo!
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din ang aming tanggapan tuwing Sabado mula 8:30AM-12NN. Maari din kayong tumawag sa aming 24/7 hotline sa numerong 7104038.
* * *
Email address : [email protected]
- Latest
- Trending