Nagbabanta na ang Kapampangans
NAG-ABANG ang mga Kapampangan sa judgment day ng Commission on Elections (Comelec) kay Pampanga Gov. Eduardo Panlilio noong Huwebes subalit nabigo sila. Ang tinutukoy ko mga suki ay ang paglabas ng desisyon ng Comelec ukol sa protesta ni Lilia Pineda laban kay Panlilio. Tinalo ni Panlilio ng 1,147 boto noong May 2007 election si Pineda. Naibando ng Comelec Second Division na ang resulta ng protesta ay ilalabas na sa Enero 7, 2010 kaya ang mga Kapampangan ay maaga pang naghintay para malaman kung sino nga ang tunay na nanalo sa eleksiyon. Medyo nabitin pa ang mga Kapampangan dahil sa paglalahad ni Commissioner Nicodemo Ferrer na “surprising” ang magiging desisyon ng Comelec dahil ni-review ng mga kasama niyang commissioners ang desisyon na halos aabot sa mahigit 1,000 pahina. Subalit nagdaan ang Enero 7 e wala pang desisyon ang Comelec. Bakit? Lalong nanggigigil ang mga Kapampangan kapag patuloy ang delay sa Comelec decision.
Inulan naman ng tuligsa ang Comelec dahil sa delay ng desisyon nila sa protesta ni Pineda. Ayon sa ilang election laywers, isang malaking “disservice” ito sa mga Kapampangan dahil halos anim na buwan na lang at election na. Kahit ang grupo ng Kampilan na nanguna sa hakbanging i-recall itong si Panlilio noong 2008 ay nagtataka kung bakit ayaw ilabas ng Comelec ang desisyon para malaman ng mga Kapampangan kung sino ba talaga ang kanilang gobernador. “Aanhin pa ang proklamasyon kung tapos na ang termino? Para na lang binubudburan ng asin ang sugat pag nalaman nating si Nanay Baby pala ang talagang nanalo, pero si Panlilio ang nauupo sa Kapitolyo,” anang mga Kapampangan, na nagbabanta na mag-aalsa sila kapag hindi pa inilabas ng Comelec ang desisyon sa lalong madaling panahon.
Kung sabagay, maging ang election lawyer ni Panlilio na si Sixto Brillantes ay umamin na tagilid ang lagay nila sa protesta ni Pineda sa Comelec. Ang ginawang basehan ni Brillantes ay ang mga naunang desisyon ng Comelec na nagsasabing mga talunan ang naupong gobernador na sina Grace Padaca ng Isabela at Jonjon Mendoza ng Bulacan. Sinabi ni Brillantes na hindi siya umaasang mananalo si Panlilio sa protesta ni Pineda. “Pare-pareho tayong nanghuhula puro tingin ko talo kami,” ani Brillantes sa isang interview na lumabas sa mga pahayagan. Subalit kahit umaamin si Brillantes na talo sila, mas mahalaga talaga na maglabas na ng desisyon ang Comelec dahil sila lang ang dapat paniniwalaan ng sambayanan, di ba mga suki? Kaya hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang Comelec lalo na si Commissioner Ferrer dahil ang mga Kapampangan ay hindi na makahinga sa suspense dulot ng delay ng desisyon nila. Dapat na sigurong makialam si Comelec chairman Jose Melo dahil ang tanggapan niya ang napapahiya habang tinutuligsa ng mga Kapampangan.
- Latest
- Trending